Kawawang Serano

HIGIT na inuna ang bisyo, ang droga, ang pansariling pangangailangan; tinalikuran ang magulang, o mismong ang magulang ang tumalikod sa anak, hanggang sila’y kapwa nakatalikod na sa Diyos. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Nh 2:1, 3; 3:1-3, 6-7; Dt 32; Mt 16:24-28) sa ika-18 linggo ng taon sa pagtatalaga ng Basilika ni Maria sa Roma.

Abot pa ng tanaw mula sa parokya ng San Jose Manggagawa sa Poblacion, San Jose del Monte City, Bulacan ang lamay ng tulak, na napatay ng mga pulis nang umano’y pumalag sa buy-bust. “Kung di siya magtutulak ng shabu noong hapon na iyon, wala kaming hapunan at walang gatas ang aking anak,” anang kinakasama ng tulak nang tanungin ng isang taga-simbahan. Sanlinggong di nagtulak ang napatay at nang maubos ang pera ay nagutom ang pamilya.

Pagkatapos aminin ng dating opisyal ng Lanao na siya ang nagsu-supply ng shabu sa Bagong Silang, Caloocan, maraming Maranao ang di na nagtinda sa palengke at sidewalk sa Phase 1, gilid ng simbahan ng Santo Nino at paaralang elementarya. Baka sila tumbahin ng mga pulis-SAID, na task force na at di taga-North Caloocan ang mga miyembro.

Ano ang nakagigimbal, ang retrato ng mga bangkay ng droga o ang lawak at lalim ng noynoying at pagkakanlong sa mga protektor ng droga na naganap habang naghahari sina Aquino at Roxas? Masuwerte si Aquino. Hindi siya sasagasaan ni Digong dahil si mayor ay di pumapatol sa malambot. Pero, kapag nagkaisa ang mag-asawang Roxas vs Duterte, makikita ang nilupak na saba. Tsalap-tsalap, tilawi.

Bago tayo sumakay sa tsubibo ng droga, sana’y ihawin sa parilya ni Digong si Voltaire Gazmin. Napakaraming kaduda-dudang transaksyon sa DND: helicopter, P685 milyon MITSS, UAVs, KM450 na ang bawat gulong ay P32,000 ang halaga at ang makina ay mahina, atbp. Pero, baka hindi na ito mabubusisi. Abala si Digong sa pagdalaw, at pagpupuyat, sa mga kampo-militar.

Kawawang Serano (dalawang beses siyang tinawag na Serano, hanggang sa iwasto ang apelyido). Napagbuntunan lang siya ni Digong ay nanlambot na ang kanyang tuhod. Abogado si Digong at matapang na piskal. Abogado si Sereno at wala pang nakikitang tapang ang maraming abogado sa kanya. Nakalulungkot na wala pang nakikitang kampanilya ang mga abogado kay Sereno.

Si Digong ay nagtanong lang kung gusto nilang magdeklara siya ng martial law. Napakaraming tanga at bobo ngayon. Di nila alam, dahil tanga nga at bobo sila, na di madali ang pagdedeklara ng martial law. Kung madaling idineklara ni FM ang martial law noon, iyan ay dahil walang hininging kondisyon ang 1935 Constitution. Sa Saligang Batas ni Cory, pagdedebatehan pa sa Kongreso bago ideklara ang martial law.

Hindi malulutas ng emergency power ang trapik sa Metro Manila (Mega Manila na nga, dahil sa access roads papasok ng MM). Bakit santambak na ang bobo sa Senado (ang papangit pa)? Sa EDSA (na naman), maraming kotse ang isa lang o dalawa ang sakay. Dapat mag-motor na lang sila, konti pa ang espasyong kakainin, at ganoon din ang bilang ng sakay. Bakit si Digong, nag-motor at nakita pa sa Pasig?

PANALANGIN: Panginoon, iginagapos ko ang lahat ng puwersa ng diyablo na kumikilos laban sa amin at sa aming pamilya. Amen (darasalin pagkatapos ng Santo Rosaryo at maigsing kahilingan kay San Miguel Arkanghel).

MULA sa bayan (0916-5401958): Digong, bakit halos walang itinutumbang Muslim sa Marikina? Muslim (Mindanao) ang source ng shabu sa Marikina. …3488

Read more...