DINUMOG at mala-blockbuster na pelikula ang dating ang naging epekto ng pinansyal na ayuda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga OFW sa Saudi na kasalukuyan pa ring stranded doon dahil naghihintay pa rin sila ng mga suweldong hindi pa naibibigay ng kanilang mga kumpanya at walang end of service benefits.
Matapos magtungo ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Saudi Arabia, kaagad nitong inatasan ang Overseas Workers Welfare Administration upang simulan ang “Relief Assistance Program” ng pamahalaan.
Patuloy pa rin ang high-level negotiations sa pagitan ng Pilipinas at gobyerno ng Saudi Arabia pati na mga kumpanya nito upang mapauwi na ang mga Pinoy sa lalong medaling panahon.
Maraming mga OFW ang nagtungo sa ating Philippine Embassy sa Riyadh upang makakuha ng naturang financial assistance.
Pero ang iba ay nalungkot dahil sa balitang hindi nga sila lahat ay mabibigyan.
Base sa instruction ng OWWA Board of Trustees, ibibigay ang naturang financial aid sa mga apektadong OFW habang naghihintay na makauwi pabalik ng bansa.
Ayon kay OWWA Administrator Rebecca Calzado, tinatayang 9,000 hanggang 11,000 ang makikinabang sa naturang programa, ngunit nababago ang mga numerong ito dahil sa may mga nadadagdag pa kada araw.
Espesipiko ang ipinalabas na order at tangi lamang na mga OFW natin na nagtrabaho mula sa siyam na mga kumpanyang mababanggit ang siyang makatatanggap ng naturang ayuda.
Ito ang Mahommed Al-Mojil Group (MMG), Saudi Bin Laden Group of Companies (SBG), Saudi Oger Ltd. (SOL), Mohammad Hameed Al-Bargash & Bros. Trading & Construction, Aluminun Company (AlumCo L.L.C), Rajeh H. Al Merri Contracting Company, Arabtec Construction L.L.C., Real Estate Development and Investment Company at Fawzi Salah-Al Nairani Contracting Co.
Maraming e-mail ding natanggap ang Bantay OCW at nagrereklamo dahil hindi raw sila kasama sa mga mabibigyan ng tulong gayong matagal na rin ‘anya silang stranded sa Saudi pero hindi kasali sa naturang listahan ang kanilang kumpanya.
Nilinaw ng OWWA na may tatlong grupo na maaaring makakuha ng pinansiyal na tulong. Una, ito ang mga OFW na nasa Saudi pa sa kasalukuyan at kasama sa 9 na kumpanyang nabanggit at makatatanggap sila ng P20,000.
Pangalawa, ang pamilya ng mga OFW na stranded ngayon sa Saudi at makatatanggap sila ng P6,000 mula sa OWWA at regional offices nito sa Pilipinas.
At pangatlo, iyong mga nakauwi na ngunit hindi pa nakatatanggap ng kanilang mga sahod. P20,000 relief assistance din ang nakalaan para sa kanila.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes mula alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com