Ilusyunadong bokalista ng banda sukdulan ang kayabangan

BLIND ITEM MALE 0412

MINSAN pang nagpalutang ng kaangasan sa isang provincial show ang isang male singer na kung minsan ay sumosobra rin sa kailangan lang ang pagkabilib sa kanyang sarili.

May pagka-feelinggero ang male singer na ito na umaarte rin, may mga pagkakataon na ang akala niya’y regalo siya ng tadhana sa mundo ng musika, kaya ang tayug-tayog ng tingin niya sa kanyang sarili. Siya ang bokalistang ayaw bumaba ng kanyang van nu’ng minsang magkaroon ng laban ng mga banda, special guest ang kanyang tropa sa kumpetisyon, baka raw kasi pagkaguluhan siya at hindi ‘yun kayanin ng security.

Tanong sa kanyang mga kasamahan ng mga kapwa nila kabanda, “O, nasaan si ____ (pangalan ng feelinggerong male singer-actor)? Bakit hindi pa siya bumaba?” Sagot ng mismong kabanda niya, “Nasa sasakyan pa, natatakot, baka raw siya i-mob, e, walang magawa ang mga security!”

Napahalakhak lang ang nang-usisa, nasa stand-by area na kasi ang ibang mga bokalistang sikat, ‘yung mga talagang pinagkakaguluhan ng mga fans, hindi nag-iilusyon na baka sila sugurin ng mga kababayan nating humahanga sa kanila, cool na cool lang sila.

Halos wala na raw kasi siyang tulog at pahinga sa dami ng kanyang trabaho kaya kung minsan ay nawawala sa huwisyo ang singer-actor. Pero malapit nang mawalan ng ulirat ang mga nakapaligid sa singer-actor nu’ng minsang sabihin niya sa isang sikat na heartthrob, “Pare, ang hirap, di ba? Mahirap sumikat! Naku, ako nga, halos mapunit na ang t-shirt ko kapag nagkakagulo na ang mga fans ko!”

Pagtatapos ng aming source, “Naku, kapatid na Bradly Guevarra, buhusan mo nga ng mainit na tubig ang feelinggerong bokalistang ‘yun para medyo bumaba naman ang tama sa sobrang bilib niya sa sarili niya! “Hitod siya, baka isang araw, e, makita na lang siyang nasa kanal at kumakanta sa tabi ng mga kangkong at water lily!”

Read more...