HINDI pa naibabalita ang diumano’y pagpapakamatay ng isang lalaking OFW sa Saudi Arabia.
Ipinaalam na sa Bantay OCW ang kumpletong pangalan ng naturang OFW, pero minarapat naming na huwag na munang banggitin ito upang mapangalagaan ang kanyang pamilya na maaaring wala pang impormasyong tungkol sa nangyari sa kanilang mahal sa buhay.
Naibigay na namin ang kanyang pangalan kay Administrator Rebecca Calzado ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang agad niyang kumpirmahin ang naturang balita.
Walong taon nang nasa Saudi Arabia ang ating kabayan doon.
Palibahasa’y wala nang legal na dokumento, nanatili ito sa Saudi at nagtrabaho na lamang ng kung ano-ano.
Ang balita ay gustong-gusto na nitong makauwi sa Pilipinas, pero hindi naman makauwi dahil maraming dapat isaayos na kung anong dokumento.
Alam naman nating kapag Saudi, hindi ganoon kadali ang pagpapauwi sa ating mga OFW. Kadalasan pa nga, mas matagal magpauwi ng patay kaysa sa buhay.
May prosesong dinadaanan ito. Kapag buhay, kailangang may exit clearance mula sa kanyang employer at saka lamang siya mabibigyan ng exit visa.
Kadalasan pa namang ito ang panggigipit na ginagawa ng mga employer na tinakasan ng kanilang mga manggagawa. Hindi lamang mga Pilipino, kundi pati na ibang lahi.
Natural nga namang galit ang mga employer na ito dahil tumakas ang ating OFW, at isinumbong pa sila sa mga awtoridad. At iyong ang ayaw na ayaw na ginagawa sa kanila.
May mga pagkakataon pa ngang hindi rin matagpuan ang kanilang mga employer. Kung hindi sila alis nang alis, ang iba’y mamamalagi pa nga nang mas matagal sa ibayong dagat at paghihintayin nang husto ang ating kabayan dahil alam nilang hindi rin sila makakauwi ng Pilipinas hangga’t walang exit clearance mula sa kanila.
Sa kaso ng nagpakamatay nating kabayan, palibhasa ay inabot na siya ng walong taon doon, kailangang balikan niya ang orihinal niyang employer o ang kanyang sponsor na siyang kumuha sa kaniya.
Ang mga ganitong sitwasyon ang patuloy na ipinapakipag-usap ng ating mga opisyal ng embahada sa pagpapauwi sa mga Pinoy doon.
Sino ba naman ang gustong manatili at nagtatagal pa sila roon kung wala na rin namang trabaho? Kung maari ngang plane ticket lang ang solusyon diyan, matagal nang ginawa ito ng gobyerno.
Ngunit may mga kahiligan pang dapat silang isumite sa Saudi government dahil katulad ng kasong “absconding” o pagtakas sa amo, ipinagbabawal iyon sa batas ng Saudi. Bukod pa sa kasong “overstaying” o pananatili ng wala nang legal na dokumento.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyerenes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali . May audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website:bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com