HINAMON ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña si dating mayor Michael Rama na sumailalim sa lie detector test matapos namang itanggi ang pagkakasangkot sa droga.
Bukod kay Rama, hinamon din ni Osmeña si Supt. Romeo Santander, na sumailalim sa lie detector test na ayon sa kanya ay siya umanong “bagman” ni Rama para sa iligal na droga.
Kapwa nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Rama at Santander bilang mga umano’y sangkot sa droga.
“I am publicly challenging Mr. Michael Rama to a lie detector test. He said the truth will set him free? Let’s see about that,” sabi ni Osmeña sa kanyang post sa Facebook.
“Nganong kinahanglanon man na (Why is that necessary?),” tugon naman ni Rama nang hingan ng reaksyon.
Kung kinakailangan, sinabi ni Rama na handa siyang sumailalim sa lie detector test.
Idinagdag ni Osmeña na namayagpag ang ang iligal na droga sa ilalim ng panunungkulan ni Rama.
“After the President himself named Mr. Rama as a drug protector, they repeated the same thing in his defense. Well, who let Jaguar prosper the six years he was mayor?” ayon pa sa mayor na ang tinutukoy ay ang napatay noong Hunyo na Cebuano drug kingpin na si Jeffrey “Jaguar” Diaz.