LizQuen, KathNiel, Anne, Vice Ganda at James, humakot ng nominasyon sa 2nd Push Awards

anne vice james

MULI na namang bibigyang parangal ng PUSH.com.ph ang celebrities at social media personalities na talagang tinututukan at inaabangan ng fans at netizens sa online world sa muling pagbubukas ng pinag-uusapang digital media awards sa bansa, ang PUSH Awards.

Kamakalawa, pinangunahan nina ABS-CBN Chief Digital officer Donald Lim, Digital Content Production Head Richard Reynante at Domi Espejo, Digital Content Head for Entertainment ang press launch ng PUSH Awards. Sila ang nagpaliwanag ng mga magiging sistema sa ikalawang taon nito.

Ang sikat na tambalan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang nanguna sa listahan ng winners last year. Sinu-sinong celebrities naman kaya ang hihiranging most influential celebrities sa online world ngayong 2016?

Para bumoto at makita ang kumpletong listahan ng mga nominado, mag-log in sa PushAwards.com at mag-register gamit ang Facebook. Maaari lamang bumoto isang beses kada araw sa bawat category.

Gaya rin noong nakaraang taon, ang celebrities na may pinakamalakas na impluwensya sa Facebook ay nominado bilang PUSH Like Female Celebrity, PUSH Like Male Celebrity, PUSH Like Group/Tandem, PUSH Like Newcomer, at PUSH Like Music Artist.

Bibigyang parangal din ang mga sikat na personalidad na may pinakamaraming bilang ng retweets, mentions, favorites, followers, at mentions sa Twitter bilang Tweet Female Celebrity, Tweet Male Celebrity, Tweet Group/Tandem, Tweet Newcomer, and Tweet Music Artist ng taon.

Pasok naman ang mga sikat na Instagram users na may pinakamaraming bilang ng followers na hindi kinalilimutan ang kanilang fans sa kanilang posts sa Gram Female & Male Celebrity, Gram Group/Tandem, Gram Newcomer, at Gram Music Artist categories.

Kasama rin sa kumpetisyon ang YouTube stars na may pinakamaraming hits sa kanilang videos na kikilalanin naman bilang Play Female Celebrity, Play Male Celebrity, Play Group/Tandem, Play Newcomer, at Play Music Artist ng taon.

Matapos ang online voting, isang grupo ng mga hurado ang kikilatis at pipili kung sino sa mga nanalong personalidad mula sa botohan ang karapatdapat na gawaran ng Elite Awards at maging Female Celebrity of the Year, Male Celebrity of the Year, Group/Tandem of the Year, Newcomer of the Year at Music Artist of the Year.

Muling nangunguna sa listahan ng mga nominado ang sikat na loveteams na KathNiel (Kathryn at Daniel) at LizQuen (Liza Soberano at Enrique Gil) na parehong nominado sa apat na categorie: Like Group/Tandem (Facebook), Tweet Group/Tandem (Twitter), Gram Group/Tandem (Instagram), at Play Group/Tandem (YouTube).

Hindi naman paaawat sa pagboto ang fans ni Yeng Constantino na kasalukuyang nangunguna sa nominasyon sa individual categories na PUSH Like, PUSH Tweet, PUSH Gram, PUSH Play Music Artist, at PUSH Play Female.

Nakikipagtunggali naman si Anne Curtis sa apat na female categories, samantalang sina James Reid at Vice Ganda ay nominado sa tatlong male categories. Nominado rin si Darren Espanto sa isang PUSH Male at PUSH Music Artist categories.

Nangunguna rin sa botohan ang Hashtag member at PBB 737 former housemate na si Zeus Collins na nominado sa apat na newcomer categories.

Bukod sa pagbibigay parangal sa mga pinakaimpluwensyal na personalidad sa major Digital Media categories, kaabang-abang din ang iba pang pagkilala sa mga sumusunod na Awesome Awards categories: Popular Celebrity Baby, Popular Celebrity Mommy, Popular Celebrity Daddy, Popular Male Fashion Icon, Popular Female Fashion Icon, Popular Song Cover, Popular Dance Cover, Popular Movie Performance, Popular Sports Personality, Popular LOL Video, Popular TV Performance, at Popular Showbiz Blogger.

At bilang pasasalamat sa matinding pagsuporta ng fans sa kanilang mga iniidolong celebrities, ibinabalik ng PUSH Awards ang Ultimate Fan Award na igagawad sa fans club na magpo-post ng pinakamaraming tweets gamit ang hashtag na #PushAwards.

Itatanghal na winner ang mga nominadong may pinakamaraming boto sa bawat categories at bibigyan ng espesyal na trophy sa isang malaking event na gaganapin sa Oktubre.

In fairness, may mga nominado ring celebrities mula sa GMA 7 at TV5 kaya masasabing hindi lang pang-Kapamilya ang event na ito kundi pang-Kapuso at Kapatid pa. Kaya boto na!

Read more...