Tinuldukan ni Hidylin Diaz ang 20 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa medalya sa Olympics matapos iuwi ang silver medal sa women’s 53-kilogram weightlifting event sa 2016 Rio Olympic games Linggo ng gabi (Lunes ng umaga sa Pilipinas) sa Riocentro Pavillion, Rio de Janeiro, Brazil.
Bumuhat si Diaz ng kabuuang 212 kg, mas magaan ng labindalawang kilo kay gold medalist Hsu Shuching ng Chinese Taipei na bumuhat ng 200 kg. Kinuha naman ni Yoon Jin-hee ang bronze medal sa binuhat na 199 kg.
Huling nanalo ng medalya ang bansa sa kada-apat na taong palaro noong 1996 Atlanta Games sa larangan ng boxing sa silver medal finish ni Onyok Velasco.
Ang panalong ito ng three-time Olympian mula Zamboanga ay naging mas espesyal dahil natapat pa ito sa kaarawan ng ina. Nakatakda ring makatanggap si Diaz ng pabuya mula sa government incentive program para sa mga atletang makapag-uuwi ng medalya. Ayon pa sa mga opisyal ng delegasyon sa Rio ay makakakuha rin siya ng humigit kumulang P5 million bonus.
Ito na ang pinakamagandang pagtatapos ng 25-anyos na si Diaz sa tatlong sunod na Olympic stint kasunod ng 11th place sa 2008 Beijing Games.
Samantala, ang isa pang weightlifter na si Nestor Colonia ay kinapos sa kanyang tatlong subok sa 154 kg clean and jerk at nalaglag sa kumpetisyon. Pumang-anim naman siya sa snatch sa binuhat na 120 kg.
MOST READ
LATEST STORIES