Dating direktor at manager ni Robin pumanaw na, showbiz nagluluksa

 

NAGLULUKSA ngayon ang industriya ng showbiz dahil sa pagpanaw ng director at dating manager ni Robin Padilla na si Deo Fajardo, Jr..

Sumakabilang-buhay ang magaling na direktor nitong nagdaang Sabado, siya ay 78 years old.

Kamakailan, naiulat ng ating kaibigan at BANDERA columnist na si kafatid na Jobert Sucaldito ang tungkol sa kundisyon ni Direk Deo. Isinugod daw ito sa ICU ng Philippine Heart Center at kritikal daw ang kalagayan nito. Ilang araw lang ang nakaraan ay kumalat na nga sa social media ang pagpanaw ng direktor.

Sabi pa nga raw ng pamangkin ng direktor sa kalagayan nito, “Pinabakasyon pa nga siya ni Robin sa Baguio and hindi pa man siya tumatagal sa Baguio ay kaila-ngan na namin siyang ibaba sa Manila for confinement. Ipagdasal po nating gumaling si Amang. Sobrang payat na nga niya – halos hindi mo na siya makilala.”

Sa kanyang Instagram account, nag-post din kahapon ng kanyang mensahe si Robin para sa dating ma-nager na siya ring nagdirek sa ilang action movies niya noon na talagang tumabo rin sa takilya.

Sa caption na inilagay ni Binoe sa litratong ipinost niya sa IG, inihalintulad pa niya ang direktor sa isang Jedi master sa pelikulang Star Wars.

“REST now my Master……Yoda was a legendary Jedi Master and stronger than most in his connection with the Force. Small in size but wise and powerful, he trained Jedi for over 800 years, playing integral roles in the Clone…Star Wars!” ani Robin.

Ilan sa mga pelikula ni Binoe na idinirek ni Deo Fajardo ay ang “Anak ni Baby Ama” (1990), “Ang Utol Kong Hoodlum” (1991), “Ang Utol Kong Hoodlum 2” (1992), at “Hari ng Selda: Anak ni Baby Ama 2” (2002).

Nakaburol ngayon ang mga labi ng direktor sa St. Peter’s Memorial Chapel sa Commonwealth, Q.C..

Read more...