Jean Garcia sa mga organic food: Dati wala namang ganyan pero healthy pa rin tayo!

jean garcia
USAPANG pagkain pa rin, talk of the town na talaga ang mga healthy and organic food dahil wala nga itong halong preservatives na malaki ang kontribusyon sa mga nakukuhang sakit ngayon.

Pero isa ang aktres na si Jean Garcia na hindi masyadong fan ng organic food dahil, “Parang marketing strategy lang ‘yan ng business kaya mahal. Though healthy naman talaga pag organic, e, lumaki naman tayong healthy noong araw na walang orga-organic, namamalengke lang ng fresh na gulay okay na tayo, di ba?”

Nakachikahan namin at iba pang reporter si Jean sa story conference ng “Mano Po 7” kasama si Richard Yap under Regal Entertainment.

Sa tanong namin kung kumakain ng organic food si Jean, “Well, pag mayroong nagbigay o nagregalo ganyan, pero hindi ako masyadong maarte sa pagkain.”

Samantala, nai-share ni Jean ang tungkol sa anak niyang si Jennica Garcia-Uytingco na talagang maingat daw sa lahat ng ipinapakain sa anak.

“Lahat nire-research niya, sabi ko nga, ‘honey huwag namang masyado, kawawa naman ang aking apo, baka (lumaking) stiff, ang daming restrictions, ganyan, tapos organic pa,’” kuwento ng aktres.

Dagdag pa ng aktres, “Sabagay kasi first baby, baka pag naging dalawa o third na, I’m sure mapapagod na rin ‘yan. Sabi ko nga sa kanila, ‘Kayo nga lumaki naman kayong hindi organic ang mga food, pero maganda rin para healthy rin ang bata.”

Natanong si Jean kung nakakabawas ba ng bankability bilang artista na tawagin siyang lola, “Nu’ng nag-asawa na sina Alwyn at Jen, tinanong ako kung ready na raw ba akong matawag na lola, sabi ko, naku hindi ako ready kasi di ba, parang teka muna, tatawagin na akong lola.

“Pero nu’ng lumabas na ‘yung baby, payag na payag na ako,” masayang sabi ni Jean. Hirit pa nito, “Ang tawag sa akin Lala or Mama Lala.”

Samantala, masaya si Jean na pawang Kapamilya stars ang makakatrabaho niya sa “Mano Po 7” tulad nina Richard, Janella Salvador, Jana Agoncillo at Enchong Dee.

“Kasi di ba, wala namang chance na makatrabaho ko sila kasi taga-kabilang network sila, kaya excited ako kasi first time ko silang makakasama, nakakatuwa,” sabi pa ng aktres.

At nakakatuwa rin bossing Ervin dahil Ningning din ang tawag niya kay Jana, ang karakter at title ng seryeng pinagbidahan niya noong isang taon sa ABS-CBN.

Read more...