NAKAKAPANGHINAYANG naman ang pangyayaring kakaunti ang nagtungo sa Smart Araneta Coliseum noong Biyernes upang saksihan ang Skills Event at Blitz Game ng 2016 PBA All-Star Weekend.
Kung kabilang ka sa mga kalahok sa events na ito, malamang na tamarin ka. Kasi iilan lang ang spectators. Walang sigawang nagaganap.
Paano mo ibubuhos lahat ng iyong makakaya? Paano lalabas ang iyong enerhiya? Kahit na itodo mo lahat ay wala namang mag-appreciate sa ginagawa mo!
Tuloy ay naitanong ng mga sportswriters kung sino ba ang namahala sa event at tila hindi naibandong mabuti.
Pero sa totoo lang, taun-taon ay hindi talaga marami ang nanonood sa unang araw ng All-Star Weekend. Totodo na lang ang mga fans sa huling araw kung saan naghaharap ang North at South Selections. O kung anumang selections ang inihanda ng PBA.
Kaya naman may mga nagmungkahi na sana ay isang araw na lang lahat ang Skills Events at All-Star Game. Ang ibang araw ng All-Star Weekend ay gawing pagbisita at pagbigay ng kawang-gawa ng mga players sa mga fans.
Pag-aaralan diumano ang suggestion na ito.
Balik tayo sa Skills Events. Nagkampeon sa Slam Dunk Event sa ikatlong sunod na taon si Rey Guevarra ng Meralco nang talunin niya sa Finals ang kakampi niyang si Chris Newsome. Iilan lang ang lumahok sa event na ito na sana ay siyang magdudulot ng excitement sa mga fans. Ang mga ibang nakatunggali ni Guevarra ay sina James Forrester ng Phoenix at Frank Bonifacio ng Barangay Ginebra.
Si Guevarra ay unang nagkampeon noong 2014 nang magtabla sila ng guwardiyang si Justin Melton ng Star Hotshots. Noong nakaraang season ay nagsolo na lang siya.
Nagkampeon naman sa ikalawang sunod na taon sa Three-Point Shootout ang kamador na si Terrence Romeo ng Globalport nang talunin niya sa Finals sina Nino Canaleta ng Mahindra at RJ Jazul ng Alaska Milk.
Sentimental favorite sa event na ito si Canaleta na nangangarap na magkampeon sa ibang event matapos na maghari sa Slam Dunk competition sa loob ng limang taon. At muntik na itong magawa ni Canaleta dahil sa nanguna siya sa elimination round nang gumawa siya ng 25 puntos. Pero sa Finals ay nagtala lang siya ng 17 kumpara sa 20 ni Romeo.
Nagkampeon naman sa Obstacle Course ang Rain or Shine rookie na si Maverick Ahanmisi upang wakasan ang isang taong paghahari ni Jerick Fortuna ng Globalport. Kakaibang bilis ang ipinakita ng No. 3 overall pick sa nakaraang Draft at walang nakasabay sa kanya.
Sana nga ay marami ang nakasaksi nang live sa heroics nina Guevarra, Romeo at Ahanmisi. Mas magiging memorable sana sa kanila ang kanilang tagumpay.