NAGING pinakamalaking hamon para kay Janine Guiterez ang love scene nila ni Benjamin Alves sa 2016 Cinemalaya entry na “Dagsin” (English title: Gravity) na idinirek ni Atom Magadia produced by his wife Anne Prado-Magadia.
Nagsimula na ang Cinemalaya last Friday at tatagal hanggang Aug. 14.
Sa panayam ng ShowbizLive hosted by BANDERA Entertainment Editor Ervin Santiago and Izel Abanilla of Inq.Net (na napapanood at napapakinggan tuwing Miyerkules, 8 p.m. sa Radio Inquirer, Inquirer 990 TV, Inq.Net) naikuwento ni Benjamin na todo ang nerbiyos ni Janine habang ginagawa nila ang mga sensitibong eksena.
“When we started kinakabahan si Janine with the scene. So bilang…I’ve done it before, nakagawa na po ako ng ganu’n dati, so I had to make sure that she was comfortable with what we were doing. At magaling naman po siya, eh and it was shot very well and I think yung scene na po yun mas nagpalalim sa relationship ng dalawang characters sa movie,” kwento ng Kapuso hunk.
Ang “Dagsin” ay kwento ng isang matandang naka-survive sa Death March at naging magaling na judge noong Martial Law.
Pero nang mamatay ang kanyang asawa ay pinilit niyang panghawakan ang mga alaala nito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga lumang diary na nahanap ng kanyang adopted daughter.
Ginagampanan nina Benjamin at Janine ang batang bersyon ng mga karakter nina Tommy Abuel at Marita Zobel na may maiinit ding eksena sa pelikula.
Para naman sa anak ni Lotlot de Leon na talagang bagay na bagay ang role bilang isang babaeng namuhay noong 1940 dahil sa kanyang very classical beauty, “Feeling ko mahihimatay talaga ako! Pero hindi naman kasi nga siya katakot-takot. Very artistic naman ang pagkakagawa sa kanya,” chika ng dalaga.
Naikuwento rin ni Benjamin ang mga torture scenes niya sa “Dagsin”. Nag-research pa raw siya tungkol dito at hindi rin siya nagpa-double.
“Ako po kasi, yung mga eksena ko na nasa POW (prisoners of war) camp talagang kailangan. Mga torture scene. Talagang madugo. Tinanong ako kung gusto kong gawin siya, sabi ko sige gawin natin because bihira ka nang makakakita ng ganu’ng eksena.
“Ano po iyon eh, nakatakip yung mukha ko tapos talagang nasinghot ko talaga yung tubig kasi ilang takes po iyon. Tapos nakatali at naka-suspend ka habang hinahampas ako ng stick. Pero may security measures naman po kaya wala namang nangyaring untoward insident while doing the torture scenes,” sabi ng binata.
Baka naman kaya siya pumayag sa mga delikadong eksena ay dahil malaki ang talent fee niya. Natawa lang si Benjamin sabay sabing, “Basta na-challenge lang ako kasi first time kong gagaw ang ganu’n katinding mga eksena.”
Tinanong naman si Janine kung ano ang feeling na makakatapat nila sa Cinemalaya 2016 ang entry ng kanyang lolang si Nora Aunor, pati na rin ang pelikula ni Judy Ann Santos.
“I think karangalan para sa lahat ng kasali sa Cinemalaya yun, na talagang maganda ang labanan ngayon,” ani Janine.
Bago magtapos ang programang ShowbizLive, natanong ang dalawa kung may dream role or dream project ba sila? Sagot ni Janine, feel daw niya ang magpaka-action star ala-Angelina Jolie. Si Benjamin naman ay pangarap makagawa ng pelikula sa ibang bansa. Type rin niyang gumanap na superhero.
Wish din ni Benjamin na muli silang magkatrabaho ni Janine sa isang teleserye dahil parang nabitin sila sa “Dagsin”. Regular pa rin siyang napapanood sa Kapuso comedy show na A1 Ko Sa ‘Yo kasama sina Jaclyn Jose, Gardo Versoza, Solenn Heussaff at marami pang iba.
Sa lovelife, inamin ni Benj na exclusively dating sila ng Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose saying, “I like her, I really like her!”.