TAMPOK naman sa Kapuso Mo, Jessica Soho tonight ang mascot na si PO1 Bato, ang “dancing preggy videos”, at iba pang viral topics.
Kahit pintog na pintog na ang kanilang mga tiyan, ang ilang mga misis, ganu’n pa rin kung humataw. Kamakailan, -shinare ni Drew Arellano ang loop video ng misis niyang si Iya Villania na sumasayaw kahit halos kabuwanan na nito.
Ang ilan sa mga nakapanood ng “dancing preggy” videos, halos atakihin sa kaba, sa takot na sa sobrang indayog nina misis, baka mapaanak ang mga ito nang wala sa oras! Pero alam niyo ba na meron talagang dance classes na maghahanda raw sa mga buntis sa kanilang panganganak?
Trending din ngayong linggo si PO1 Bato—ang mascot ng PNP. Isa kasi sa mga naisip na paraan ng PNP para sa kampanya nila kontra-droga ay ang paggamit ng nasabing mascot. Ito ang naatasang lumibot sa mga eskwelahan para magbigay leksyon sa delikadong epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Samantala, may mapaghimalang tubig na bumubukal daw sa tabi ng kapilya sa Brgy. Basak Pardo sa Cebu. Nanay na na-stroke, bigla raw nakapaglakad at nakapagsalita? Dahil sa ganitong mga patotoo, dinadagsa ngayon ang naturang barangay. Dala ng mga deboto ang kanilang mga bote at pitsel sa pag-asang makasalok ng diumano’y milagrosong tubig. Pero ano ba talagang meron sa tubig na ito?
Ang dating malambing at masayahing si James, di na ngayon nakagagalaw. Nakaririnig daw ito pero hindi makapagsalita. Ang kanyang maybahay na si Jo-ann, nanghihina man sa kalagayan ng asawa, patuloy pa ring nagpapakatatag para sa mister at apat na taong gulang nilang anak na si Julia. Ano kaya ang nangyari kay James?
Abangan lahat iyan sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo, after Ismol Family sa GMA.