Lariba handa nang sumabak sa Rio Olympics

BUO ang loob at walang pangangamba ang table tennis wonder na si Ian Lariba ng Pilipinas sa pagsabak sa 2016 Rio de Janeiro Olympics na magbubukas ngayon.

At ito ay kahit na biglaang nagbago at pinalitan ang kanyang nakatakdang makalaban kung saan nagpahayag ito ng kahandaan sinuman ang kanyang makatapat sa singles event ng women’s table tennis.

Nakatuon na si Lariba, na pinakaunang table tennis player ng bansa na lalahok sa Summer Olympic Games, sa pagsagupa kay Adriana Diaz ng Puerto Rico na siyang ibinigay na pangalan na kanyang agad na makakasagupa sa kanyang pagdating sa Brazil noong Hulyo 23.

Subalit imbes na si Diaz, makakasagupa ngayon ng 21-anyos na si Lariba si Han Xing ng Congo, na ranked No. 125 sa buong mundo. Nakagawian sa Rio na ang dalawang table tennis players ay maaaring makipagpraktis sa bawat isa na hindi inaasahang makakatapat nila sa bandang huli sa pagsisimula ng labanan sa Agosto 6.

Sinabi ni Lariba, na ranked No. 297 sa mundo, na maaaring nagkaroon ng reshuffle sa draw bagaman hindi ito nakaapekto sa kanyang paghahanda.

“Either it was reshuffled or it was a system error in the previous draw. But it’s fine with me because it’s beyond my control anyway,” sabi ng laking Cagayan de Oro City na si Lariba at estudyante ng De La Salle University.

“My new opponent is from Congo and is actually naturalized. She’s Chinese. She’s my sparring partner here because like me, she’s the only entry for table tennis for her country. Small world,” sabi ni Lariba.

“It’s okay having her as training partner but in the actual match everything will change,” dagdag ni Lariba na halos napamilyarisa na ang sarili kay Xing dahil sa ilang araw na pakikipaglaro sa praktis.

Alam din ni Lariba ang layo ng kanilang ranking bagaman mas gumaan ang pakiramdam nito kumpara sa dapat na makatapat na ranked No. 80 sa mundo.

“It doesn’t really matter because anywhere you go, you need to slug it out with whoever your opponent is. I will just do my best,” sabi ni Lariba.

Hindi rin nangamba ang South Korean coach nito na si Mi Sook Kwon sa pagpapalit ng makakalaban ng kaliwete na si Lariba na tinanghal na 2014 at 2015 Athlete of the Year sa UAAP.

Si Diaz ay ang 15-anyos na table tennis player mula Puerto Rico. Bitbit nito ang ranked No. 80 sa mundo at ikasiyam sa top 20 junior players (under-18) sa mundo.

Read more...