Male singer madayang mag-perform pag inaatake ng katamaran

 

MADAYANG mag-perform ang isang male singer. Magaling siyang kumanta, pero kapag kailangan na niyang bumirit ay meron siyang gimik, itinututok niya ang mikropono sa kanyang audience.

‘Yun ang ginagawa niya kapag tinatamad na siyang kumanta, meron siyang “audience participation” kuno, matagal niyang binibigyan ng pagkakataong kumanta ang manonood habang nakadipa niyang itinututok ang microphone sa publiko.

Kuwento ng isang show promoter, “Sanay na ako sa style niya! Sa tagal na ba naman ng panahong dinadala ko siya sa malalayong probinsiya? Ganu’n siya talaga. “Pero may time din namang masipag siya, no participation ang audience kapag nasa mood siya, talagang birit kung birit siya sa stage.

“’Yun nga lang, may mga pagkakataong parang tinatamad na siyang kumanta, napaka-routinary na kasi para sa kanya ‘yun, kaya ang ginagawa niya, e, ang audience ang pinakakanta niya! “Prente lang siyang nakatayo sa stage, itinatapat lang niya ang microphone sa mga nanonood sa kanya, ke sintunado man ‘yun o tama ang tono!

“Naipapahinga nga naman niya ang voice niya, hindi siya nahihirapan, maraming salamat sa mga Pinoy na napakahilig ding magsikanta!” mahabang kuwento ng aming source. Pero mabenta ang male singer sa mga probinsiya, marami kasi siyang napasikat na kanta, kabisado ‘yun ng audience kahit saan siya mag-show.

“Saka hindi siya pasaway, mabait ang singer na ‘yun, hindi siya nag-iinarte. Mabait din siya sa mga fans, nakikipag-picture taking siya, hindi nagsusuplado. “Madaling hulaan kung sino siya, Bradly Guevarra, magaling siya at guwapo, napakabanal ng name niya,” pagtatapos ng aming impormante.

Read more...