SA karaniwang unos sa buhay, ang pananahimik ni Hesus ay pagsubok lang. Kailangan ang matapang na pananampalataya, tulad ng sumisigaw na babae; ng pamilya ng durugista’t tulak. Bagaman ang durugista’t tulak ay kampon na ng demonyo, puwede pa ring sumigaw at sumampalataya ang kanyang pamilya para mabawi ang umalis sa landas.
Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Jer 31:1-7; Jer 31; Mt 15:21-28), sa ika-18 linggo ng taon, kapistahan ni San Pedro de Anagni. Bagaman hindi mabuting binhi ang durugista’t tulak, gaya ng sinabi sa Pagninilay sa Ebanghelyo (Jer 7:1-11; Slm 84; Mt 13:24-30) sa ika-16 na linggo ng taon, kapistahan ng relihiyosang Santa Brigida, ang pagsigaw at pagsusumamo ng pananampalataya ay hinihintay pa rin ni Jesus.
Buking na ang drug den. Nautakan ng mga durugista sina Digong at Bato. Sa North Caloocan, ang mga durugista ay anyong tomador. Sa tagayan sa umpukan, kahit sa bakuran sa tapat ng bahay, di halatang may singhutang magaganap. Alam ng mga durugista na may umiikot na mata. Sa pangalawang ikot ay inuman pa rin ang makikita ng mata, kaya bibitaw na ito. Dito na sila sisinghot, saka mag-uuwian. Amats na mas malakas.
Matipid ang tumbahan sa North Caloocan dahil ang SAID ay ginawang task force. Ang task force ay pandagdag lang sa SAID at hindi nila alam ang pasikut-sikot sa isang purok. Bukod sa wala silang kilala sa purok, ang listahan ng sumukong umano’y mga durugista’t tulak ay dinuktor din. Sa madaling salita, nautakan na naman sina Bato at Digong.
Para sa mga pulis ng SAID at DAID, dapat imbestigahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II si Leila de Lima bago siya maging anim o apat na lang. Kung ganoon kasigasig ang pagpupursige kontra chief superintendents at director, dapat doblehin pa ang kay De 5. Kung mapatutunayang dawit si De 5, napakalaking kahihiyan, at anomalya, ito dahil ang magandang babae ay halal (daw) ng bayan.
Wala akong nakikitang mali sa vigilantism, na copy paste sa death squad ng Davao City. Ang kanilang pinatay, at pinapatay, ay markado demonyo. Di tulad ng pulis-QC na nagkamali sila nang barilin ang nagsasampay sa bubong ng bahay. “Bulilyaso tayo, hindi yan!” ang sigaw ng isang pulis nang makilala ang lalaking bumagsak mula sa bubong.
Ang ilang militanteng pari sa Diocese of Malolos ay sang-ayon sa kampanya ni Digong kontra droga, tulad ng di tuwirang pagpapakita nina Cardinal Vidal at Tagle, nang dumalaw sila kay Digong sa Malacanang. Hindi sila sang-ayon sa pamamaraang pagpatay dahil ordenado sila kay Jesus. Ang puso ay yumayakap kay Jesus, sa totoo, pero ang utak ay pumapanig sa solusyon, minsan.
Bagsak ang tangang rehimen ni BS Aquino sa children’s feeding program. May ganitong programa si Digong, pero hanggang ngawa lang. Si GMA ay walang malaking feeding program. Para sa kanya, ang feeding program ay panandalian lang at pagkalipas ng apat na oras, tunaw na ang kinain ng mga bata. Ang programa ni GMA ay dapat turuan ang magulang, o tagapag-alaga, ng feeding. Iyan ang panghabambuhay na feeding.
Laos na si Joma. Dalawa na lang ang naniniwala sa kanya, sina Silvestre Bello at Jesus Dureza. Mismong si Digong ay hindi na naniniwala kay Joma. Dini-dribble na lang ni Digong si Joma. Kahit sa UP ay guni-guni na lang si Joma.
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit tahimik si Digong sa napakaraming shabu lab sa Marawi City? Dahil ba ang kausap niyang mga opisyal sa prosesong pangkapayapaan ay hindi puwedeng idawit sa droga? …5402
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.