SUKO na ang isang personality na matagal ding umasa na mabibigyan siya ng posisyon sa administrasyong Duterte.
Sinabi ng ating Cricket na kahit masama ang loob ay makukuntento na lang siya sa pagiging die-hard supporter ng ating Pangulo.
Kahit na anong papansin ang kanyang gawin ay hindi siya naikonsidera sa kahit na anong pwesto sa pamahalaan.
Buti pa raw ang kanyang hilaw na “son-in-law” ay inalok na makapwesto sa isang ahensya sa pamahalaan na nakasandal sa pinanggalingan niyang industriya.
Malaki ang hirap ng ating bida para maikampanya ang dating alkalde ng Davao City hanggang sa nanalo na nga bilang pangulo ng bansa.
Halos magkasakit na nga siya sa pagbibigay ng suporta sa kanyang idol noong nakalipas na halalan, pero hanggang ngayon ay hindi makaporma-porma ang ating bida sa administrasyong Duterte.
Sa ngayon ay halata ang malaking ibinagsak ng kanyang pangangatawan dahil sa sobrang stress na pinagdaanan.
Pero ano ba talaga ang dahilan kung bakit etsapwera ang ating bida?
Ipinaliwanag ng ating Cricket ang dahilan kung bakit hindi binibigyan ng pwesto ang bida sa ating kwento.
Paano nga ba naman daw, naging masyadong naging mayabang itong ating bida noong panahon ng kampanya hanggang sa pakiramdam niya ay super close sila ng Pangulo gayong hindi naman pala.
Nagsimula lang ang kanilang samahan noong panahon lang ng kampanya at hanggang doon lang iyon, taliwas sa kanyang ipinagyayabang sa kanyang mga kakilala.
Kaya noong bigayan na ng pwesto ay marami ang humarang sa kanyang nominasyon.
Iyun ang nakikitang dahilan ng ating Cricket kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nakakapwesto sa administrasyon ang bida sa ating kwento ngayong araw.
Ang personalidad na hindi na raw umaasa pero kung bibigyan ng pwesto ay okay lang din daw ay si Mr. D….as in Dinero.