HINDI pa man nagsisimula ay nagkakaloko-loko na ang pagnanais na amyendahan ang 1987 Constitution— ang Konstitusyon na ipinasa sa ilalim ng Cory Aquino government, ang ina ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Noong una ay malinaw ang posisyon ng liderato ng Kamara at ni Pangulong Duterte — gamitan ito ng Constitutional Convention ang pag-amyenda sa Constitution na hindi na napapanahon.
Totoo nga naman na iba na ang panahon ngayon kumpara noong 1987. Kaya naman napakaraming naghain ng panukala para sa pagbuo ng ConCon. Marami ang sumakay at gusto mapagbigyan ang Malacanang.
Nabasa na sa plenaryo o na-first reading na ang mga ConCon resolution.
Pero hindi pa man ito nasisimulang talakayin ng House committee on Constitutional Amendment ay nagbago na ang isip ni Pangulong Duterte.
Nang makuwenta kasi na aabot sa P6-7 bilyon ang gastos sa ConCon mukhang nahimasmasan ang Malacanang.
Ilang classroom nga naman ang maipagagawa gamit ang ganito kalaking halaga o gaano karaming mahihirap ang kanilang matutulungan.
Sa inisyal na kuwenta ng Department of Budget and Management baka umabot sa P1 bilyon kada taon ang gastos ng ConCon sa pasuweldo, renta at kung anu-ano pa. At hindi malinaw kung ilang taon ang kanilang bubunuin para matapos ang pag-amyenda.
Kung ang ipinangakong taas-sahod sa gobyerno ay hindi kaagad na maibigay, bakit nga naman gagastos ng ganito kalaki?
Mukhang nakita na nina Negros Occidental Rep. Albee Benitez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang ganitong siste kaya naghain sila ng resolusyon na nagpapatawag ng Constituent Assembly.
Marami ang nagtataka kung bakit ConAss ang kanilang inihain gayung malinaw naman na ConCon ang gusto ng Palasyo.
Pero ngayon ay mukhang tama sila. Hindi kakayanin ng gobyerno ang gastos ng ConCon kaya ang next option ay ConAss.
Hindi kailangang dagdagan ang suweldo ng mga kongresista at senador para sa dagdag na trabaho— na magpanukala ng mga babaguhin sa Saligang Batas.
Para sa mga advocate ng pagbabago sa Konstitusyon, hindi na isyu kung ConCon o ConAss ang gamitin dahil pareho naman itong pinapayagan ng Konstitusyon.
Nangako naman ang pangulo na babasahin ang gagawing Konstitusyon ng ConAss para masiguro na ito ay para sa kabutihan ng mga Pilipino at hindi para sa interes ng mga pulitiko at kanilang mga suporter na negosyante.
Mukhang nadagdagan din ng problema ng mga nagsusulong ng ChaCha nang sabihin ni Pangulong Duterte na dapat buwagin na ang partylist system.
Ang partylist system ay nakapaloob sa Konstitusyon at sa bagong Konstitusyon na bubuuhin sinabi ni Duterte na ayaw niya na naroon pa rin ito.
Ang partylist representatives ay 20 porsyento ng kabuuang bilang ng mga kongresista sa Kamara.
Para naman magkaroon ng ConAss, kailangan ng three-fourth ng boto o 75 porsyento ng kabuuang bilang ng mga kongresista— ngayon ay meron silang 293 members.
Hindi naman siguro nakagugulat kung hindi suportahan ang mga partylist congressman ang ChaCha dahil matatanggal sila sa Kongreso kapag natuloy ito.
Kung 20 porsyento ang bilang ng partylist congressmen, mahigit limang porsyento lang ang kailangan ay hindi na matutuloy ang ConAss.
Bukod dito, isyu rin kung ano ang magiging porma ng bagong gobyerno.
Merong gusto na magkaroon ng regional senator, ang gusto ng iba federal system, hirit ng ilan dapat may presidente pa rin at kung anu-ano pa.
Tiyak na kung hindi sila mapagbibigyan sa gusto nilang mangyari ay babaliktad sila sa desisyon na amyendahan ang Konstitusyon.
Ang nakikitang panahon ng mga miron, magtatagumpay lamang ang ChaCha kung ngayon ito gagawin dahil mabango pa ang Pangulo— si Duterte ay mayroong 91 porsyentong trust rating ayon sa Pulse Asia.
Noong panahon ni Aquino, mayroong mga mabibigat na batas na naipasa gaya ng Reproductive Health law. Kahit na ayaw ng Simbahang Katolika naging batas ito dahil popular pa noon si Aquino.