27 LGUs, kabilang ang mga mayor na sangkot sa droga isusunod ni Duterte

pres rodrigo duterte

IBINUNYAG ng Palasyo na nakatakdang pangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte anumang oras ang 27 lokal na opisyal, kabilang na ang mga mayor na sangkot sa iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Legal Counsel Salvador “Sal” Panelo na may mga prominenteng pangalan sa listahan na hawak ni Duterte na isusunod niyang isasapubliko matapos namang pangalanan ang limang heneral na nagsisilbing protektor ng mga drug lord.

“My God, you will be shocked…basta LGUs… Basta ako marami akong may kakilala pero ilalabas niya raw. Sabi niya either tonight or tomorrow,” dagdag ni Panelo.

Tumanggi namang magbigay ng halimbawa ni Panel sa pagsasabing hintayin na lamang si Duterte na siyang magbunyag.

“Bigla akong nagkaroon ng amnesia. hindi ko maalala. Basta ang sabi ni Presidente, ‘kilala ko ito pero I have a duty to serve and protect the (people)…” ayon pa kay Panelo.

Aniya, galing sa intelligence ang listahan ng 27 LGUs na idadawit sa droga.

Idinagdag ni Panelo na nakatakdang imbestigahan ang 27 halal na opisyal na sangkot sa droga. (Bella Cariaso)

Read more...