KINUMPIRMA ng Palasyo na sumuko na si Albuera, Leyte Rolando Espinosa, Sr. matapos namang bigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng 24-na-oras na ultimatum para sumuko dahil sa pagkakaugnay sa droga.
Sa isang text message, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na nasa pangangalaga na ni Philippine National Police (PNP) Chief Bato Dela Rosa.
“Mayor Espinosa has surrendered and now under custody of Gen Dea Rosa. The son, Kerwin, is still at large,” sabi ni Abella.
Nauna nang binigyan ni Duterte ang mag-amang Rolando at Kerwin ng 24 oras matapos namang kapwa idawit sa drug trafficking at protektor ng mga sangkot sa droga.
Ipinag-utos pa ni Duterte ang “shoot on sight” laban sa mag-ama.
Nauna nang naaresto ang dalawang bodyguard ni Epinosa at tatlong empleyado matapos ang isinagawang buy-bust operation noong Huwebes ng hapon kung saan nakumpiska ang tinatayang P1.9 milyong halaga ng shabu.
Nakatakas naman ang apat na iba pa matapos silang pumasok sa bahay ng ni Kerwin at isinarado ang gate, ayon sa pulisya.
Nasa loob ng compound ang bahay ni Kerwin kung saan nakatira rin ang mayor.