Krusyal na panalo hangad ng Phoenix Accelerators

Mga Laro Ngayon
(JCSGO Gym)
4 p.m. AMA Online vs Topstar ZC Mindanao
6 p.m. Phoenix vs Blustar Detergent
Team Standings: *Racal (9-2); *Café France (8-2); *Phoenix (7-3); *Tanduay (7-4); AMA (3-6); Blustar (2-9); Mindanao (0-10)
* – pasok sa semifinals

MATAPOS manguna sa kaagahan ng kumperensiya ay nahaharap ngayon ang Phoenix na mahulog sa pangunahing dalawang puwesto sa ginaganap na 2016 PBA D-League Foundation Cup.

Posible rin na mawala sa bentahe ang Accelerators sa krusyal na playoff round matapos malasap ang dalawang sunod na kabiguan kontra Café France at Racal.

Gayunman, pilit isasalba ng Phoenix ang tsansa nito sa pagsagupa sa Blustar Detergent sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

“Must win para sa amin ‘yung last two games. But we’re looking at it the same way we did all conference, one game at a time,” sabi ni Phoenix coach Eric Gonzales.

Puwersado ang Accelerators na hawiin ang daan nito pabalik sa ituktok dahil kailangan nitong walisin ang dalawang natitirang laro kontra sa Dragons at Bakers upang umasa na makipag-agawan sa top two spots at umasa na papabor sa kanila ang quotient sakaling magkaroon ng triple tie.

Positibo naman si Gonzales na makakabawi ang koponan sa natamo na 88-90 kabiguan sa Racal noong nakaraang Martes kung saan nagbida si Philip Paniamogan para sa Tile Masters.

“I’m positive that the team will bounce back,” sabi ni Gonzales.

Hangad naman ng Blustar Detergent na magkaroon ng memorableng pagtatapos sa unang pagsali sa D-League.

“There are many things to learn for our players. At least we got two wins in this league. We have our final game against Phoenix, we’ll definitely try our best,” sabi ni Blustar coach Goh Cheng Huat.

Magsasagupa ang Phoenix at Blustar ganap na alas-6 ng gabi matapos ang alas-4 ng hapon sa salpukan sa pagitan ng napatalsik na rin na AMA Online Education at Topstar ZC Mindanao.

Read more...