Lloydie kay Sarah: Babae rin naman siya na nasasaktan!
WORTH the wait. Ito ang naisip namin noong Linggo ng hapon matapos maghintay ang entertainment press ng halos dalawang oras sa presscon ng “It Takes A Man and A Woman” sa Dolphy Theater ng ABS-CBN. Very apologetic naman ang mga bidang sina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo dahil last shooting day pala nila nu’ng gabi bago ang presscon.
Napuyat daw ang dalawa, at halata naman dahil masama pa ang boses ng aktor nu’ng mga oras na ‘yun dahil sinisipon.
Napansin naming masyadong seryosong sumagot si John Lloyd sa mga katanungang ibinabato sa kanya ng press, hindi tulad sa mga nakaraan niyang presscon na masayahin, makulit at kung minsan naman ay nagsusungit, lalo na noong bago palang sila ni Angelica Panganiban.
At dahil pangatlong pelikula na nina Lloydie at Sarah ang It “Takes A Man and A Woman” ay natanong ang aktor kung kumusta na ang working relationship nila ngayon.“Ita-try kong sagutin ‘yan na hindi ganu’n ka-emotional.
Kasi, si Sarah has been perceived by many as you know, Sarah Geronimo na Popstar Princess na sikat na sikat, na nagkakamali, na nakaka-encounter ng kung anu-anong problema sa pag-ibig, sa trabaho.
“But in the end, si Sarah ay si Sarah, ilang taon ka na ba ngayon?” sabay tanong sa dalaga na sinagot naman ng dalaga, 25 na pala siya. “Puwede na, puwede na!” napangiting sagot ng aktor.
“Bibilib ka sa kanya, kasi pupunta ‘yan sa trabaho, gagawin niya ang kailangan niyang gawin, gagawin niya 100 percent. ‘Yung dedication niya, hindi nawawala.
So, ‘yung mga pinagdaraanan niya ay pinagdaraanan ng mga normal na 25-year-old girl. Si Sarah kasi, masyado siyang totoo.
She’s very candid. Kung ano ‘yung gusto niyang mabitawang salita, maaaring hindi niya napag-isipan kaagad.
“Sometimes, kailangan naman natin to give her a break. Babae rin siya eh, nasasaktan.
Kaya minsan, nadudulas ‘yung dila na may nasasabing hindi maganda.
Eh, ganu’n talaga. Kailangan mong palagpasin, kasi lahat naman tayo, dumaraan diyan, ‘di ba?
Wala namang perfect na tao.
“Ang pinakamaganda roon is how you rise above it, ‘di ba?
Kaya niyang mag-apologize, kaya niyang tanggapin kung mali ‘yung nagawa niya and then move on.
And then be a better person.
“‘Yun din ang nakita ko sa kanya in this movie. ‘Yung professionalism, mas umangat pa.
‘Yung dedication sa paggawa ng mas magandang pelikula, hindi nabawasan.
Mas lumakas din.
And wala akong masasabi na para bang nabawasan ang pagtingin ko sa kanya,” mahabang pagtatanggol ni Lloydie sa kanyang leading lady.
Natanong din ang aktor kung ano ang magandang halimbawa at natutunanan niya sa pangatlong pelikula nila ni Sarah, “Si Miggy as to John Lloyd, isa sa pinakaimportante, pinakamahalagang natutunan ko, lahat itong nangyayari ngayon na success, the fame, the money, sinabi sa akin ng, biglang gumaralgal ang boses ng aktor.”
“Sira ‘yung mic! Hello!” palusot ng binata.“Sinabi sa akin nu’ng isang character doon sa ano,” tuluyan ng napaiyak ang aktor.
“Ganito kasi ‘yan, sa lahat ng nangyayaring maganda, ng yaman, ng success, in the end, sasabihin niya sa ‘yo, ‘Just be a good person.’ ‘Yun lang.
That’s all that matters. Just be a good person,” esplika ng aktor.
At singit ni Sarah, “At hindi madaling maging good person.”
Dagdag ulit ni Lloydie, “The best person. ‘Yun kasi, that’s Miggy, eh.
He wants to be the best, he wants to be number one, and he wants to conquer the world. But in the end, ‘yun ba talaga ang magpapasaya sa ‘yo? ‘Yun ba talaga ang importante?
“And then, isang importante sa buhay ko in the story told me, ‘You know, I just want you to be a good person.’ And that’s all that matters. ‘Yun ang natutunan ko.”
Sa edad na 29 ay may plano na bang lumagay sa tahimik si John Lloyd Cruz? “Naku, konti pang stability, sa pamilya, sa finances, financial stability. I’m thinking ano, eh.
I’m thinking early retirement,” alinlangang sabi ng binata, “Hindi ko alam kung kailangan kong sabihin.” bitin nitong sabi.
“Gusto kong ma-enjoy ang buhay ko kasama ang magiging pamilya ko.
I want to spend more years, quality time. I’m after quality life with my family and my would be family.
“So siguro, ‘pag dumating ‘yon, on the side, pili tayo ng mga project.
Kung meron tayong ganu’ng privilege, ‘yun sana ang magawa ko.
Sa edad, hindi ko pa alam, eh. Hindi ko pa masabi.”
Walang masabing edad kung kailan magreretiro si JLC, “Hindi ko masabi kasi age mo ang magdi-dictate no’n, eh.
So, ‘pag dumating na siya at naramdaman mo na, then baka puwede na.
Mahirap namang magbigay ng edad.”
Kaya naman pagkatapos ng presscon ay kinorner na namin ang aktor at kinulit tungkol sa plano niyang early retirement, “Kung kakayanin na to have an early retirement, enjoy more time, more quality time with my family, with my mom especially, my loved ones.”
Pero nilinaw nito na hindi naman daw kasama sa desisyon niyang early retirement ang pag-aasawa.
At dahil emosyonal nga ang aktor nu’ng hapong ‘yun natanong namin kung may pinagdadaanan siya, “Wala, katatapos lang ng pelikula namin, I’m very much okay, and I’m very happy now.”
Samantala, palakpakan to the max ang press at iba pang bisita sa presscon habang ipinapakita ang full trailer ng “It Takes A Man and A Woman” na mapapanood na sa Marso 30 nationwide.
Kaya kung napanood n’yo ang unang dalawang pelikula nina Sarah at John Lloyd, kailangang panoorin n’yo ag ikatlong installment ng kanilang proyekto.
Base sa reaksiyon ng ating mga katoto, mukhang makaka-jackpot uli ang Star Cinema sa bago nilang offering.
Meron na naman kasi talagang following sina Lloydie at Sarah kaya siguradong hindi nila palalagpasin ang “It Takes A Man And A Woman”.