Mas marami ang ayaw sa chacha-Pulse Asia

job-fair
Mas marami ang bilang ng mga Pilipino na ayaw na amyendahan ang 1987 Constitution ayon sa survey ng Pulse Asia.
     Batay sa survey na isinagawa mula Hulyo 2 hanggang 8, sinabi ng 44 porsyento na hindi dapat amyendahan ang Konstitusyon (29 porsyento na nagsabi na huwag itong amyendahan ngayon pero maaari sa mga susunod na panahon, at 15 porsyento ang nagsabi na hindi dapat isagawa ang pag-amyenda kailan pa man.
     Sinabi naman ng 37 porsyento na dapat itong amyendahan ngayon.
     Hindi naman masabi ng 19 porsyento na kung dapat itong amyendahan o hindi.
     Sa survey noong Nobyembre 2014, 27 porsyento ang nagsabi na dapat itong amyendahan at 49 porsyento ang nagsabi na hindi. Ang nagsabi naman ng hindi nila alam o hindi nila masabi ay 24 porsyento.
     Sa isyu ng pagpapalit ng porma ng gobyerno mula presidential ay gagawing federal form, nagsabi ang 37 porsyento na hindi sila pabor dito.
     Pabor naman ang 33 porsyento at 30 porsyento ang undecided.
     Pero kung ang mga may sapat na kaalaman lamang sa Chacha ang tatanungin, 41 porsyento ang nagsabi na pabor sila sa pagpapalit ng porma ng gobyerno, 37 porsyento ang hindi at 22 porsyento ang hindi tiyak.
     Limampu’t siyam na porsyento ang nagsabi na hindi sila nakarinig o nakabasa ng tungkol sa isyu ng Chacha at 41 porsyento naman ang sumagot ng may narinig sila tungkol dito.
     Pero 27 porsyento laman ang nagsabi na mayroon silang malawak na kaalaman kaugnay ng Chacha at 73 porsyento naman ang nagsabi na kulang o limitado ang kanilang kaalaman.
     Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong margin of error na plus/minus 3 at may 95 porsyentong confidence level.

Read more...