Phoenix Fuel Masters tinibag ang Globalport Batang Pier

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. NLEX vs TNT Ka Tropa
7 p.m. Alaska vs Mahindra

HINDI ininda ng bagong import na si Eugene Phelps ang tinamong siko sa bibig para ihatid ang Phoenix Petroleum Fuel Masters sa kanilang unang panalo sa kumperensiya.

Si Phelps ay nagpasabog ng 52 puntos para buhatin ang Fuel Masters sa 120-107 pagwawagi laban sa Globalport Batang Pier sa 2016 PBA Governors’ Cup elimination round kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ito naman ang pinakamalaking puntos na ginawa ng isang import sa kanyang debut game magmula ng kumana si Purefoods reinforcement Darius Rice ng 56 puntos sa 2008 Fiesta Conference.

Ang Long Beach State alum ay tumira ng 18-of-30 mula sa field at nagtala ng 16 rebounds at anim na assists para hatakin ang Phoenix Petroleum sa unang panalo matapos ang apat na laro at ipagkaloob kay Ariel Vanguardia ang kanyang unang pagwawagi bilang PBA head coach.

Si Asian import Lee Gwan Hee ay nagdagdag ng 16 puntos, anim na rebounds at dalawang assists habang si John Wilson ay nag-ambag ng 15 puntos at si Willy Wilson ay 10 puntos para sa Fuel Masters.

Si Mike Glover ay nagtapos na may 27 puntos at 17 rebounds habang si Stanley Pringle ay nagtala ng 27 puntos at anim na rebounds para sa Batang Pier na nakatikim ng ikaapat na sunod na pagkatalo at nanatiling nag-iisang koponan na walang panalo.

Si Terrence Romeo ay nagdagdag ng 20 puntos habang sina Joseph Yeo at Jay Washington ay nagdagdag ng 14 at 13 puntos para sa Globalport.

Read more...