NCAA Player of the Week si Bright Akhuetie

AGAD na kinunsiderang mahihirapan ang University of Perpetual Help na makabalik sa Final Four dahil sa pagkawala nina coach Aric del Rosario at triple-double machine Scottie Thompson sa Las Piñas-based university sa NCAA Season 92 men’s basketball tournament.

Gayunman, nanatiling liwanag para sa koponan si Bright Akhuetie.

Ito ay matapos bitbitin ng Nigerian sa kanyang balikat ang Altas tungo sa tatlong sunod na pagwawagi na nagtabla rito para sa ikalawang puwesto sa bitbit na 5-2 karta. Dalawa sa panalo ay sa loob ng tatlong araw kung saan itinala nito ang average na 17 puntos, 11 rebounds, 3.0 assists at 3.5 blocks.

Dahil sa kanyang tinipong istatistika at pagtulak sa 2-0 record ngayong linggo ay kinilala si Akhuetie bilang Accel Quantum Plus-3XVI NCAA Press Corps Player of the Week para sa Hulyo 24-30.

Tampok sa paglalaro ni Akhuetie ay ang laban kontra Harry Nzeusseu ng Lyceum of the Philippines University na pumigil dito sa loob ng tatlong yugto. Subalit sa ikaapat na yugto, lumutang ang tatag ni Akhuetie sa paghulog sa 10 krusyal na puntos upang mag-isang tabunan ang kalaban at itulak sa abante ang Perpetual.

Nagtapos ang 19-anyos na may 13 puntos, 13 rebounds, 5.0 assists, at 3.0 blocks sa 71-68 panalo. Ito ay matapos ang kinolekta nito na 21 puntos, siyam na rebounds at apat na blocks na paglalaro sa 70-55 panalo kontra sa College of St. Benilde.

Wala naman espesyal para kay Akhuetie sa kanyang itinutulong para sa Altas.

“I’m just here to play basketball. I don’t think about those because I just do everything I can to help out my team,” sabi lamang nito.

Read more...