HINILING ng tatlong beses tinanghal na Southeast Asian Games gold medalist na si Alfie Catalan na ipaliwanag ng Integrated Cycling Association of the Philippines (PhilCycling) ang tungkol sa kanyang pagkakapatalsik bilang miyembro ng pambansang koponan.
Kinuwestiyon ng 34-anyos na si Catalan sa isang panayam sa radyo ang biglaang pagkakasibak nito sa national track cycling team kung saan matagal na rin itong hindi nakakakuha ng kanyang buwanang allowance bilang pambansang atleta sapul noong Mayo.
“Sana man lamang, sabihin nila kung ano ang tunay na dahilan kung bakit ako inalis sa national team,” sabi ni Catalan, na ilang beses tinanghal na kampeon sa Individual Pursuit.
Sinabi ni Catalan na tanging nalaman nito na inalis na siya sa koponan kay National Track coach Carlo Jasul na nagsabi mismo sa kanya base sa naging desisyon ni PhilCycling president Bambol Tolentino at ng PhilCycling Board.
Gayunman, ipinaliwanag ni Catalan na hindi maipakita ni Jasul ang kahit anumang ebidensiya o nagpapatunay sa desisyon ni Tolentino at PhilCycling Board hinggil sa usapin kung alinman sa edad o kawalan ng performance bilang dahilan ng kanyang pagkakapatalsik sa koponan.
Hiniling din mismo ni Catalan ang kumpirmasyon sa PhilCycling sa kanyang pagkakasibak sa koponan subalit wala itong nakuhang kasagutan.
Ikinagulat din ni Catalan ang pangyayari dahil matagal nang hindi nagkikita-kita at nagkakasama-sama ang buong PhilCycling Board at nababalitaan na lamang nito na may mga bago nang opisyales na namumuno sa asosasyon.
Ipinaliwanag ni Catalan na bagaman walang isinasagawang kompetisyon o tryout para sa iba’t-ibang track event ang PhilCycling ay kaya pa rin nito magwagi sa kanyang paboritong event pati na sa asam nitong ikaapat na gintong medalya sa SEA Games sa Malaysia sa susunod na taon bilang kanyang huling pagsabak sa national squad.
Idinagdag ni Catalan na iaapela nito ang kanyang kaso kay Philippine Sports Commission chairman Butch Ramirez upang malaman ang tunay na dahilan sa pagkakapatalsik at maging sa grievance committee ng athletes commission ng Philippine Olympic Committee.
Una nang inalis ang mga nagwagi sa Cross Country MTB trials na isinasagawa sa Tagaytay dalawang taon na ang nakalipas na sina Niño Surban na tinanghal na kampeon, Martin Aleonar na pumangalawa at si Alvin Benosa na pumangatlo dahil sa nais ng PhilCycling na mga batang siklista na Under 23 ang kanilang magiging miyembro.