MAY isang popular na aktor na nang magkaroon ng concert sa isang malamig na bansa ay nag-iwan ng hindi kagandahang imahe sa ating mga kababayan na matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Kung bakit naman kasi hindi mapigilan ng sikat na aktor na ‘yun ang kanyang sarili, kapag may mga lumalapit na Pinoy sa kanya para magparetrato ay para siyang ibong nakapagsasalita na inuulit-ulit ang kanyang mga naririnig, ume-echo ang kanyang mga litanya.
Kunwari ay may grupong nagpapa-picture sa kanya, kinikilig siyempre ang mga bagets, “Ang guwapo-guwapo mo talaga!” Aba, ang hitod na sikat na aktor, “Ang guwapo-guwapo mo talaga!” rin ang kanyang sasabihin, kaya naiinis sa kanya ang mga Pinoy sa bansang ‘yun.
Kuwento pa ng isang source, “Saka sumisimangot siya sa photo opportunity, parang naiinip na siya na parang ayaw na niyang makipag-pose, samantalang nasa kontrata niya ‘yun! “Kailangan niyang tuparin ang nasa contract na pagkatapos ng concert niya, e, makikipag-pose siya sa mga nanood ng show. Parang ‘yun ang bonus ng mga bumili ng ticket, ang makasama siya sa picture.
“Kaso, meron siyang ugali na pasima-simangot, parang naiinis siya na naiinip na, pansin na pansin ‘yun ng mga kababayan natin nagpaparetrato sa tabi niya! “Kung ganu’n pala na ayaw niya sa ganu’n, e, di sana, sabihin niya sa mga producers ng concert niya na pagkatapos ng show niya, e, kailangan na siyang bumalik sa hotel para makapagpahinga na siya!
“Hindi na siya mabenta ngayon sa mga shows sa ibang bansa. Pangsahog na lang siya ngayon, meron na siyang mga kasamang performers. Hindi na siya ang bumibida. “Mahina na kasi ang panghatak niya, hindi na bumebenta ang mga huli niyang shows, kailangan na siyang samahan ng mga sikat na bagets para kumita ang show.
“Bradly Guevarra, kilalang-kilala mo kung sino ang simanguterong actor-singer na ito, nagkakaedad na siya pero wala pa rin siyang asawa, ayaw raw kasi ng dyunakis niya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.