First time makakatrabaho ni Anne ang GMA talents na sina Dennis Trillo at Paolo Ballesteros, dito nga sa “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend” kaya ang saya ng aktres dahil nga magkaibang TV network sila.
“Nakakatuwa, happy ako to work with them,” saad ng aktres. Dagdag pa niya, “It’s a breath of fresh air to work with other leading man, naaliw ako, ang ganda ng script, it’s a rainbow film na first time kong ginawa kasi more on drama ako.”
At tawa nang tawa si Anne sa kissing scene nila ni Dennis sa movie, “Kasi may ungol pa, basta watch n’yo na lang nakakatawa talaga.” Na-curious kami kung bakit tawang-tawa si Anne kaya tinanong namin ang line producer ng pelikula na si Perci Intalan kung anong klaseng kissing scene ang kinunan para matawa nang husto ang aktres.
“Ahhh, baka kasi ‘yung sa wedding rehearsal, hindi nakasipot ang fiancée ni Dennis played by Yam Concepcion, kaya si Anne muna ang proxy. Tapos merong scene na dapat iki-kiss ‘yung bride to be, so hayun, nag-kiss sina Dennis at Anne, tapos si Anne dahil gusto niya si Dennis, feel na feel niya ‘yung kiss nila at ungol siya nang ungol tapos pagdilat niya, sa kanya na nakatingin lahat,” kuwento ni Perci sa amin.
Aba’y nakakatawa nga ang eksenang ito, knowing Anne’s facial expression. Samantala, sa Oktubre pa ipalalabas ang “Bakit Lahat Ng Gwapo May Boyfriend” handog ng Viva Films sa direksiyon ni Jun Lana.