Makoy sa ‘Libingan’ ituloy na

NAKATAKDANG gunitain sa Setyembre 11 ang ika-99 taon ng kapanganakan ni dating pangulong Ferdinand Marcos at matapos ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte inaasahan nang maililibing sa Libingan ng mga Bayani ang kanyang mga labi.

At dahil kahit si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na ang nagsabi na hindi niya tinututulan ang hakbanging ito, umaasa ang pamilyang Marcos na magiging sagrado ang libing at hindi na babastusin pa ng makakaliwang grupo.

Bukod sa pagkilos na gagawin ng mga makakaliwang grupo, inaasahan din na sasamantalahin din ang isyu ng mga dilawang grupo sa pamumuno ni dating Pangulong Aquino na lantaran naman ang pangangampanya para hindi matuloy ang pagpapahimlay ng mga labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Gaya nang nakaraang kampanya, tiyak na gagamitin ang isyu para maisulong ang kanilang interes.

Isang hamon para kay Pangulong Duterte na tuparin ang kanyang pangako sa pamilya Marcos at kanilang mga tagasuporta na tuldukan na ang isyu at pahintulutan na ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Mapapatunayan ngayon kung kaya bang hindi magpatinag si Pangulong Duterte sa mga pwersang patuloy na humaharang na mabigyan ng disentente libing ang yumaong dating pangulo.

Ngayon pa lang, asahan na ang kaliwa’t kanang mga pag-iingay at kilos-protesta ng mga grupong tutol na sa Libingan ng mga Bayani ilibing si Marcos.

Hindi kataka-taka na bubuhayin ng mga makakaliwa at mga dilawang grupo ang mga lumang isyu para lamang hadlangan ito.

Hindi dapat kumurap si si Pangulong Duterte sa isyung ito sa kabila ng magiging hakbang ng mga kontra sa gagawing pagpapalibing.

Hindi naman matatawaran ang katotohanan na kahit may mga kontra sa isyung ito, marami rin namang grupo ang naniniwala na tama ang balak ni Pangulong Duterte.

Hindi rin naman magpapatinag ang mga Marcos at kanilang mga tagasuporta sa patuloy na pagbabatikos sa kanila.

At kanilang panghahawakan ang pangako sa kanila ng pangulo, kaya dapat lang na tuparin ito ni Pangulong Duterte.

Malinaw ang posisyon ni Digong sa kanyang mga pahayag na isang dating sundalo ni Marcos kaya marapat lamang na ilibing siya sa Libingan ng mga Bayani.

Hindi rin nakapagtataka kung bakit ganon na lamang ang pagpupumilit ng pamilya Marcos para mailibing ang kanilang mahal sa buhay sa dapat nitong paglagakan.

At dahil papalapit na ang paggunita sa pagsilang ni Marcos at maging ng martial law, pilit ding bubuhayin ang mga isyu laban sa yumaong pangulo.

Hindi tayo magtataka kung sa kanilang gagawin kilos-protesta ay naroroon na naman ang kanilang luma at inaagiw na mga slogan tulad ng imperialismo, kapitalismo, pyudalismo at kung ano-ano pang walang kapararakang termino na walang kaugnayan sa isyung kanilang inilalako.

Mag-iingat tayo sa mga grupong ito na bukod sa laos at hindi na napapanahon ang kanilang ipinaglalaban, malinaw na nag-aanyong hunyango, balimbing at ngayon ay sumisipsip na sa administrasyon.

Read more...