MARAMING naki-celebrate at bumati sa 37th anniversary ng Eat Bulaga at isa na nga riyan si President Rodrigo Duterte.
Sa isang video posted sa Eat Bulaga Twitter page, binati ni Digong ang lahat ng Dabarkads at ang bumubuo sa noontime show ng GMA 7.
“Good day I am Rody Duterte and I would like to greet the men and women all these years, responsable for the program Eat Bulaga. It has its staying power and I pray to God that Eat Bulaga would stay for a thousand years. Congratulations and happy anniversary,” pagbati ng pangulo.
In fairness opening number pa lang ng programa ay talagang bonggang-bongga na. Muling sinariwa ang mga lumang tugtugin at sumayaw at nakikanta pa ang mga host at pati na rin ang manonood.
Nag-trending din sa Twitter ang official hashtag ng Eat Bulaga for the day na #EBisLove.
Samantala, madrama naman ang nangyari sa Kalyeserye ng show. Nabaril kasi si Lola Nidora (Wally Bayola) at natagalan bago nakahanap ng tulong. Kaya naman nag-panic na ang lahat. Nag-iyakan pa nga nang sabihin ng doktor na wala na si Lola Nidora.
Cut scene. Eksena sa alapaap. Nagsisisi na si Lola Nidora dahil hindi man lang nakapagpaalam sa mga mahal sa buhay. May dumating na anghel (si Wally din) at sinabing itse-check muna kung saan mapupunta si Lola Nidora, kung sa taas o sa baba. Pero nang tignan ng anghel sa kanyang tablet ang pangalan ni Lola Nidora ay wala ang pangalan nito. Sinabi ng anghel na hindi pa oras ng lola kaya pinabalik na sa kanyang katawan.
Nagising si Lola Nidora at masayang- masayang niyakap nina Lola Tinidora, Alden at Maine. Galit na galit naman si Lola Tinidora at gustong gantihan ang shooter na nahuli ng pulis pero ayon kay Lola Nidora walang mapupuntahan kung puro galit ang nasa puso.
Sa loob naman ng ambulansya kasama sina Maine at Alden si Lola Nidora at sinabi sa dalawa na hindi pa raw siya pwedeng mamatay hangga’t di nakikita ang apo. Apo kaya niya kina Alden at Maine ang tinutukoy? Abangan na lang natin.
Last performance naman ay mula kina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na kumanta ng “More Today Than Yesterday.”
“Yun po ang message ng Eat Bulaga sa inyo we love you more today than yesterday. Mas titindi pa yan sa darating na taon sabi nga EB is Love” sabi ni Tito Sotto.
Ayon naman kay Vic, asahang mas titindi pa ang pagpapasaya nila sa lahat ng Dabarkads, mapa-Team Broadway, Team Bahay o Team Replay man.