‘Ibang-iba ang ginawang pagpapalaki kay Alden Richards ng mga magulang!’

alden richards

HUMAHALIMUYAK sa kabanguhan ang pangalan at imahe ngayon ng Pambansang Bae. Kung ang akala ng iba ay simple lang ang ginawang paghanap ng panahon ni Alden Richards para mabigyan ng pagpapahalaga ang press people ay nagkakamali sila.

Napakalaki ng idinagdag nu’n sa dati nang magandang imahe ni Alden, sinasaluduhan siya ng mga manunulat, dahil sa sobrang higpit ng kanyang oras sa maghapon ay naihanap niya ng masarap na panahon ang pagpapasalamat sa mga reporters na palaging katuwang sa pag-abot ng pangarap ng mga artista.

Lumaki ang puso ng mga manunulat nang sabihin ni Alden kung gaano kalaki at kahalaga ang tulong na naibibigay ng grupo hindi lang para sa kanyang pamilya kundi pati sa mga kababayan nating humahanga sa kanya ngayon.

Sa isang panahon na maraming artistang nakalilimot magpasalamat sa mga manunulat ay katangi-tangi si Alden Richards. Nakatungtong pa rin ang magkabila niyang paa sa lupa, hindi siya nagpatianod sa kalahating basong tubig ng kasikatan, ibang-iba ang ginawang pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang.

Sabi nga ng kaibigan naming propesor na sumasaludo sa ginawa ng Pambansang Bae, “Hindi lang siya guwapo, hindi lang siya sikat, he’s a very good person inside and out. Tularan sana siya ng iba.”
Ganu’n!

Read more...