Billy nalilito sa iba’t ibang uri ng beki, humingi ng payo kay vice
SA solo presscon ni Billy Crawford noong Huwebes para sa pelikulang “That Thing Called Tanga Na” sa Regal compound ay natuwa ang entertainment press dahil halos lahat ng tanong ay sinagot ng TV host-actor.
Maliban nga lang sa ilang personal questions tulad ng sino ang kilala niyang closet gay sa showbiz na hindi pa naglaladlad until now, “Kayo na lang ang magsabi, I’m sure naman alam n’yo, huwag na ako,” natawang sabi ni Billy.
Isang bading na security guard ang papel ni Billy sa “That Thing Called Tanga Na” (showing na sa Agosto 10), at aminado siyang nahirapan siya ito, “Kasi as an actor na hindi lang straight (guy) to portray a gay role, it’s very difficult because ayaw mo namang masaktan, ayaw mo namang maging OA dahil baka naman masaktan ang LGBT community.
“Sa totoo lang, I have to ask Vice (Ganda), and a lot of my friends (gays), mga staff din kung paano bang maging bakla, paano ‘yung itinatago mong bakla ka. “It took a while to adjust, pero, napakahusay talaga ni direk Joel (Lamangan), gina-guide niya ako all throughout the whole film, sabi niya, ‘o bawas-bawasan mo ‘to, mas bigay mo ng todo ‘to,’ I was guided,” kuwento ni Billy.
Aminado ang binata na nu’ng banggitin daw ng manager niyang si Arnold Vegafria ang tungkol sa movie ay hesistant siyang gawin ito, “Hindi ko kasi alam kung kaya ko bang gampanan. Pero nu’ng kinausap na ako ni Arnold at nalaman ko rin kung sinu-sino ang mga kasama, si direk Eric (Quizon), tapos sina Martin Escudero, Kean (Cipriano) at si direk Joel. I never worked with direk Joel before, so ‘yung pleasure lang, enjoy ko lang,” sabi pa ni Billy.
Sa tanong kung lapitin ba siya ng bakla, “Diyos ko, nagsimula ako 4 years old, so hindi ko alam kung lalapitan ako o hindi. Lalapitan ako, magpapakandong, ‘yun ‘yung mga ano sa akin, pero marami akong gay na kasama sa trabaho, sa mga kaibigan.” May nanligaw na ba sa kanyang beki? “Never naman akong niligawan ng bading, never had a proposal.”
Pero naging tanga na rin ba siya sa pag-ibig? “Lahat naman tayo naging tanga na sa pag-ibig. Generally speaking, you do stupid things for love, ‘yung kung may matutunan ka na lang after the love, iyon ‘yun,” kaswal na sabi ng TV host-actor. Dugtong pa niya, “Yung nagmahal ka ng tao tapos lolokohin ka, ‘yun ‘yung tanga. Ibubuhos mo lahat, ibibigay mo lahat para sa kanila, tapos ‘yun pala, niloko ka lang.”
Pabor ba siya sa same sex marriage? “Everyone has his own opinion naman, it’s a very sensitive topic na, especially now a days. Ako naman, I have a lot of friends and producers na who got married in California (Los Angeles, USA) and I’m not against it.
“Pero ngayon, it’s very confusing lang to be honest with you kasi, alam mo ‘yung ang daming steps ng pagiging bakla. There’s the transgender, the transvestite,, there’s the gay. Ang dami-dami, so medyo nakakalito at one point.
“E, kausap ko nga si Vice rin, sabi ko, ‘bestie, ano ba ang difference ng ganito?’ Sabi niya, ‘Diyosko, ‘wag mo ako kausapin tungkol diyan, ako’y lito na rin sa mga ganyan.’ So alam mo ‘yung it’s a very sensitive topic and also, very hard to understand. Tao lang tayo lahat, katulad ng linya ko rito (pelikula), sabi ko, ‘kung mahal mo ang tao, kahit nakapalda ka, nakapantalon ka, basta tao, mahal mo,” paliwanag ng aktor.
q q q
Samantala, sa obserbasyon ni Billy bilang pamintang bading sa “That Thing Called Tanga Na” ay mas nahihirapan siya sa tagong bading kesa sa bading na bading na.
“Hindi ko pa kasi ginawa ‘yung bading na bading, so para sa akin, mas mahirap ‘yung itinatago mo para hindi malaman ng lahat, tapos ‘yung pinagtatrabahuan mo, they’re all gay, so ayaw mong mahalata, mas mahirap kasi kailangan mong mag-create ng wall, nagpapanggap kang lalaki, so ako naman bilang lalaki, okay go,” paliwanag ng aktor.
Nabanggit din ni Billy na kahit siya ay pinagdudahan noong bading, “Mga 12 years old palang ako, sinabihan na akong, ‘ay lalaki itong bading!’ Well, hindi nakatulong ‘yung apple hair cut ko dati, hindi nakatulong yung mga sequences na suot ko. Hindi mo naman maiiwasan, eh,” natatawang sey pa ni Billy.
Napunta naman ang usapan sa girlfriend niyang si Coleen Garcia, nag-celebrate sila kamakailan ng kanilang second anniversary. Dinala ni Billy ang dalaga sa Tagaytay City kung saan sila nag-lunch at nag-bonding ng ilang oras. Umuwi rin daw sila that Saturday night para mapanood ni Coleen ang unang pagbibida nito sa Maalaala Mo Kaya.
Nang matanong kung hindi ba siya nagseselos sa mga nagiging leading man ni Coleen sa pelikula, sabi ni Billy, “Ay sa mga ganu’n hindi naman ako nagseselos, in all honesty kasi, si Coleen, hindi naman siya flirt. ‘Yung tiwala namin sa isa’t isa, ‘yun ang importante and I support her sa lahat ng trabaho niya, trabaho is trabaho,” sagot ng aktor.
Napag-uusapan na rin daw nila ang kasal pero hindi pa ito mangyayari very soon dahil sa kani-kanilang career.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.