Pangulong Duterte pabor na sa ConAss

    pres rodrigo duterte
Walang pera ang gobyerno kaya hindi na Constitutional Convention kundi Constituent Assembly na lamang ang gagamiting paraan sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.
     Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na payag na rin si Pangulong Duterte sa paggamit ng ConAss at napag-usapan umano nila ito sa pulong kamakalawa.
     “Kasi yung budget kasi maraming tayong kakailanganing pera especially yung pag increase nung salary ng police, military personnel, medyo nahihirapan si (Budget) Sec. (Benjamin) Diokno na mag allocate ng ganung kalaking pera (6 to 7 billion) for the ConCon,” ani Alvarez.
     Marami sa mga resolusyon sa Kamara de Representantes ay para sa pagpapatawag ng ConCon.
     Si Negros Occidental Rep. Albee Benitez naman ang naghain ng House Joint Resolution no. 2 para sa ConAss.
     Ayon kay Alvarez ang mahalaga ay ang magiging resulta— ang pagbabago sa Saligang Batas na kinakailangan para umunlad ang bansa.
     Kung ConAss ang gagamitin ang mga senador at kongresista ang siyang magpapanukala ng mga pagbabago sa Konstitusyon. Hindi na kailangan ng dagdag na budget para sa dagdag na trabaho.
     Sa ilalim ng ConCon kailangang maghalal ng mga delegado nito bukod pa sa pipiliin ng Pangulo.
     “Pero yung gastos sa information drive wala pang estimate budget. We have to educate the people kung ano yung inaapprobahan nila na Constitution, before you submit that for plebiscite for ratification we have to inform the people, educate the people.”
     Sinabi ni Alvarez na walang dapat na ipag-alala ang publiko sa mga pangamba na interes ng mga pulitiko ang mangibabaw dahil sila ang mag-aamyenda.
     “Wag ho kayong mag-alala. Under the leadership of President Duterte, your fears under ‘con-ass,’ wala po yun. We committed to do it for the country,” ani Alvarez.
      Sa kanilang plano, magkakaroon ng plebesito sa 2019 kasabay ng mid-term elections. Sa 2022, ang mga lider para sa bagong porma ng gobyerno mauupo.
30

Read more...