AT nasabi na nga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga gustong sabihin sa kauna-unahan niyang State of the Nation Address nitong nakaraang Lunes.
Maraming natuwa, natawa, na-inspire, nabigyan ng pag-asa.
Meron din sigurong natakot, naiyak at nalaglag sa kanyang upuan, matapos ang mahigit isa’t kalahating oras na Sona ni Ginoong Duterte.
Pero hindi maitatanggi na marami ang nag-abang, nag-hintay sa pag-asang kahit papaano ay babalikan niya ang pangakong tatapusin ang contractualization, partikular na ang “endo” (end of contract) na makailang beses niya ring sinabi na isang uri ng “injustice” na dinadanas ng maliliit na Pilipino.
“Contractualization will stop. They have to stop it…It is an injustice committed against the Filipino people. I will not allow that as president of the country.”
Iyan ang isa sa mga binitiwang pangako ni Ginoong Duterte noong panahon ng eleksiyon, na siyang nagbigay ng pag-asa sa maraming maliliit na manggagawang Pinoy na nasa ilalim ng “endo”.
Ang contractualization ay isang arrangement kung saan ang manggagawa ay tinanggap sa trabaho para lang sa loob ng limang buwan, dahilan kung bakit hindi sila nakakakuha ng mga benepisyo na ibinibigay sa mga regular na empleyado.
Karamihan ang mga “endo” workers ay isinusuplay ng mga “labor-only” suppliers o agencies.
Kaya nga, nasan na ang pangako ni Pangulong Duterte na tapusin ang ganitong sistema? Bakit hindi man lang nabanggit ang salitang “endo” sa halos dalawang oras na talumpati — sa 38 minuto na official speech at sa isang oras na adlib o extemporaneous na talumpati?
Tamang kalimot na ba?
Hindi kaya nakausap na si Ginoong Duterte ng mga kapitalista dala ang pananakot na hindi makabubuti sa sambayanan ang plano niyang tapusin ang “endo”?
Kapitalista na naman ba ang panalo rito?
Pero, maraming mga kaalyado ang pangulo ang nagsabi na huwag mawalan ng pag-asa ang mga manggagawa dahil hindi man ito natukoy ng pangulo sa kanyang Sona, ay hindi ito nakalilimot sa kanyang pangako.
Katunayan pa nga raw nito ay nasa legislative agenda ito na isusulong ng Kongreso, kung ang pagbabasehan ay ang talumpati na binigkas ng bagong speaker ng Kamara na si Pantaleon “Bebot” Alvarez.
“The practice of “endo” should be looked into. Manpower supply agencies should be mandated, upon pain of criminal liability, to comply with all labor standards on wages and benefits, and the employer be made solidarily liable,” bahagi ng kanyang talumpati matapos mahalal sa pagbubukas ng sesyon Lunes ng umaga.
Oo nga’t meron sa Kamara, wala namang nabanggit sa Senado ang bago nitong pangulo kaugnay sa nasabing isyu.
Nangangahulugan na tila dini-dribble lamang ng administrasyong at ng Kongreso na hawak rin naman ng Malacanang ang isyu ng “endo” at ng mga mangagagawang umaasa na matatapos na ang pasakit na ito.
Anong husay sana kung nabanggit ito ni Ginoong Duterte sa kanyang talumpati. Gusto kasing marinig ng mga manggagawa ang kanyang “marching order” sa mga mambabatas na tapusin na ang “endo”.
Hindi kaya kaso ito ng pag-asa dati na nauwi na lang sa paasa?
Huwag naman sana.