SA State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang diin niya ang pagkakaroon ng isang tanggapan na walang ibang paglilingkuran kundi ang ating mga OFW.
Binanggit din niya na dapat nasa iisang gusali lang ito para ang lahat ng pangangailangan ng OFW ay naroroon na.
Sabi pa ni Pangulong Duterte, “computer” lang ang katapat ng lahat ng iyan. Pagsama-samahin, bigyan ng isang mesa ang bawat ahensiya ng gobyerno na pinapuntahan ng OFW at tiyak na malaking kaalwalan ito para sa ating mga kababayan.
Hinagpis ng mga OFW ang sila’y magpabalik-balik sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno para sa kanilang mga dokumento. At kadalasan ay gumugugol sila ng buong maghapon para sa mga dokumento.
Kapag minalas-malas ka pa ay pababalikin ka kinabukasan o di kaya ay marami pang bukas.
Hindi biro ang pag-aasikaso ng dokumento ng mga OFW. Bukod pa sa aktuwal na gastos para makaalis ng bansa, gagastos ka pa rin nang todo para sa paglalakad ng iyong mga papel, pagkain, at pamasahe.
Matagal nang napag-uusapan ang pagtatayo ng isang OFW department. Itinutulak ito noon nina Senator Cynthia Villar at Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, ngunit hindi na umabot hanggang sa magtapos na nga ang 16th Congress.
Hindi rin ito natutukan ang partylist representative para sa mga OFW dahil hindi rito nakapokus o nakasentro ang kanilang agenda.
Walang interes ang mga mambabatas na pag-usapan ito, lalo pa ang maisabatas ito.
Sa ilalim ng Duterte administration, hangad ng mga OFW na magkaroon na nga sila ng sariling departamento na tututok lamang sa kanila, lalo ngayon na talagang nire-recognize ng pamahalaan ang malaking ambag nila sa pagpapalakas ng ating ekonomiya.
Patiunang nagpalabas na rin ng direktiba ang Department of Labor and Employment sa paglalagay ng one-stop shop para sa ating mga OFW.
Ayon kay Secretary Silvestro Bello III, base na rin sa direktiba ni Pangulong Duterte, gagawin sa one-stop shop ang issuances, processing at validation ng mga dokumento ng OFW, sa pinakamabilis na panahon.
Pahahabain pa ang mga expiration dates ng naturang mga dokumento.
Sa agarang pagpapatupad nito, tiyak na maraming mga OFW ang mapapangiti na ngayon dahil hindi na nga sila matsu-tsubibo pa, tipid pa sa gastusin, mas maraming panahon pa ang magagamit sa mas makabuluhang mga bagay at mababawasan na ang mga reklamo sa usad-pagong na serbisyo ng pamahalaan.
Malaki rin ang matitipid ng pamahalaan sa pagbuwag ng mga tanggapang halos pare-pareho lamang ang ginagawa sa ibang mga opisinang naglilingkod sa ating mga OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 09 98.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com