SI Ogie Diaz (Roger Pandaan sa tunay na buhay) ang itinuturing naming orihinal na anak-anakan sa mundo ng showbiz. Payat na payat pa siya nang una kaming magkakilala sa gate ng GMA 7 dahil inabangan niya ang pagpasok namin sa istasyon para sa programa naming Movie Magazine.
Nagparetrato siya sa tabi namin, nu’ng sumunod na Sabado ay binigyan niya kami ng kopya ng retrato, meron nang makabagbag-damdaming dedication. At ang mga sumunod na pangyayari ay isang kasaysayan na ngayon. Nu’ng nakaraan naming kaarawan ay nagpadala siya ng mensaheng ikinaligaya-hinalakhakan namin.
Komedyante talaga si Ogie Diaz, sa gitna ng seryoso niyang paglilitanya ay sumusundot siya ng komedya, magtatagumpay raw ang bagong negosyo naming meat shop kundi namin ipamimigay ang aming mga paninda. Habang bumibiyahe kami nina Japs Gersin at Tina Roa ay binalikan namin ang mensahe ni Ogie nu’ng nakaraang taon, sabi agad ni Japs, “Nanay, pangkolum na ito, a?”
Gusto naming ilathala ang kanyang mensahe, maraming-maraming salamat sa aming anak-anakan na matagumpay nang artista ngayon ay nakapag-impok na rin nang sobra-sobra para sa kinabukasan ng kanyang mga anak, dahil sa husay niyang magmaniobra ng kanyang kinikita.
Mag-Throwback Wednesday po tayo sa pagbasa ng birthday message sa amin ni Ogie Diaz nu’ng nakaraang taon. “‘Gusto mo, ipasok kitang shampoo girl kay Mother Ricky Reyes?’ Yan ang natandaan kong sabi niya nu’ng March 27, 1987 nu’ng magtapat ako sa kanya na gusto kong magkatrabaho dahil gusto kong makatulong sa nanay ko.
‘Ate Cris, pasensya na po, parang hindi ko po kasi linya ang parlor. Gusto ko po kasi matutong magsulat at maging reporter gaya mo. Idol po kasi kita eh.’ ‘Ah, ganu’n ba? O sige. Sa opisina ka na lang at mag-proofread ka ng dalawang fan mags, kaya mo?’ ‘Opo. Kakayanin ko po. Pag-aaralan ko po.’ ‘Yun na ang simula and the rest is history, ‘ika nga.
Siya ang taong nagtiwala agad sa disisiyete anyos na huminto sa first year college, dahil sa hirap ng buhay. Siya ang mentor-discoverer ko. Siya ang nag-convince sa akin na kumuha na ng bahay kahit sa Laguna. ‘Ako ang bahala. Sasaluhin kita pag hindi ka nakabayad ng hulog.’
Kotse ba kamo? ‘Sige na, Ogie. Kahit second hand, kumuha ka. Ako muna ang magpapaluwal, bayaran mo na lang ako monthly. Walang pressure.’ ‘Yung lakas ng loob sa pagkuha ng bahay, ng kotse, at kahit sa pangungutang nang may tubo, sa kanya galing. Namana ko sa kanya yon. Pero may mga paniniwala sa buhay na magkaiba kami. At naiintindihan namin yon pareho.
Nagkatampuhan nang ilambeses pero sinarili na lang namin, dahil kahit sa karaniwang mag-ina ay normal yon and at the end of the day, kahit masama akong anak sa kanya o masama siyang ina sa akin–mag-ina pa rin kami. Kaya lagi kong sinasabi sa kanya, basta pag kailangan niya ng tulong ko o ng moral support o ng kaibigang alam niyang maiiyakan niya at maaasahan niya, ako yon. At pinaghahandaan ko yon.
Alam ko namang sa taas ng pride niya, ayaw niyang gawing lumapit sa akin, pero sa ibang paraan o sa tamang panahon, alam ko, ako lang ang maaasahan niya. Hindi man kami madalas magkita, alam naming mahal namin ang isa’t isa. At paulit-ulit kong sasabihin–makakabawi rin ako sa naging tulay kumbakit nandito ako ngayon sa kinalalagyan ko kung anuman ito.
At paulit-ulit ko ring ipagbabanduhan na kung hindi dahil sa kanya, malamang, wala ako dito. Malamang hindi ko naitaguyod ang nanay ko at mga kapatid ko. Malamang wala akong sariling pamilya ngayon at malamang walang Ogie Diaz.
Salamat. Maraming-maraming salamat, Ate Cristy Fermin, sa lahat ng naituro mo sa akin, natutunan ko sa yo sa pakikipagsapalaran sa buhay, at higit sa lahat, sa pagiging nanay, ate, kuya, kaibigan.
Mahal kita, Ate Cris. Hanggang sa pagtanda mo, pagtanda natin, nandito lang ako.
Happy, happy birthday!”