Australia tinisod ng Pinas sa volleyball

NAGWAGI ang koponang pinadala ng Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. laban sa Australia, 15-25, 25-21, 25-20, 23-25 at 15-11 sa 18th Asian Women’s Under-19 Volleyball Championship sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nanguna para sa Pilipinas sina University of the East standout Mary Anne Mendrez at National University mainstay Jasmine Nabor na kapwa nagtala ng 18 hits para mag-ambag sa kabuuang 30 kills.
Ito ang unang panalo ng Lady Nationals matapos na mabigo kontra South Koreans, 17-25, 14-25 at 17-25 sa unang araw ng torneyo.
Ang naturang koponan ay nagtapos sa ikaapat na puwesto sa walong koponan sa Princess Cup ASEAN Under-18 Championship sa Sisaket, Thailand na nagtapos noong isang linggo.
Ang sunod na maka-kasagupa ng Pilipinas ay ang Chinese Taipei para sa tsansang na makapasok sa playoff round.
Kasama ng Lady Nationals sa Pool D ang South Korea, Chinese Taipei at Australia sa walong araw na torneyo na nilahukan ng 15 bansa kabilang ang powerhouse teams na China (Pool B), Japan (Pool C) at Thailand (Pool A).
Bumawi naman sina Nabor at Mendrez mula sa malamyang paglalaro kontra sa Koreans.
“The team knew we needed this win and they really gave it all to get it,” sabi ni Philippine team manager Peter Cayco.
Ang koponan ay suportado rin ng Sonia Trading, Northstar Travel, Philippine Superliga, University of the East, National University at Arellano University. —Angelito Oredo

Read more...