Perpetual Help, St. Benilde magtatapat

Mga Laro Ngayon
(The Arena, San Juan)
12 nn. Arellano vs EAC
2 p.m. San Sebastian vs Lyceum
4 p.m. Perpetual Help  vs St. Benilde
Team Standings: San Beda (6-0); Mapua (5-1); Letran (4-2); Perpetual Help (3-2); Arellano (3-2); JRU (2-3); Lyceum (2-3); EAC (1-4); San Sebastian (1-4); St. Benilde (0-6)

TANGKA ng Perpetual Help na masundan ang sinungkit nitong matinding panalo kontra defending champion Letran sa pagsagupa nito sa wala pa rin panalo na College of St. Benilde sa pagpapatuloy ng 92nd NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Inasahan ng Perpetual ang patuloy na dominasyon ni Bright Akhuetie na nanguna sa pagpapalasap ng 61-55 kabiguan sa Letran noong Biyernes. Nagtala si Akhuetie ng 21 puntos, 16 rebounds at tatlong blocks kontra Knights.
Pakay din ng Altas na makisalo sa ikaapat na puwesto kasama ang Arellano University Chiefs na may 3-2 panalo-talong kartada.
Inaabangan din ng NCAA fans kung mapipigilan ng St. Benilde si Akhuetie na umiskor ng 44 puntos kontra Blazers noong isang taon.
“I just want my team to win, whether I score or not,” sabi ng 19-anyos na Nigerian na si Akhuetie na mas gustong itulak sa panalo ang koponan kaysa patabain ang kanyang stats.
“Dapat mas patatagin pa namin ang depensa kada laro at maglaro as a team,” sabi ni Perpetual Help coach Gimwell Gican.
Hangad naman ng Arellano University na makasalo ang Letran sa ikatlong puwesto sa pagsagupa nito sa Emilio Aguinaldo College ganap na alas-12 ng tanghali.

Magsasagupa naman ang Lyceum of the Philippines at San Sebastian College alas-2 ng hapon. —Angelito Oredo

Read more...