Hiling ng madlang pipol: Kuning guest si Bato sa Ang Probinsyano

coco martin

SECOND life na ni Jaime Fabregas bilang si Police Chief Superintendent Delfin Borja o mas kilala bilang si Lolo Delfin sa seryeng Ang Probinsyano ni Coco Martin.

Maraming manonood ang natuwa dahil hindi nga tuluyang pinatay si Lolo Delfin sa aksyon serye ng ABS-CBN matapos itong barilin ng karakter ni Cesar Montano last week na gumaganap namang dating pulis na naging hitman.

Sinulat namin kamakailan na “patay” na si Jaime Fabegras sa kuwento kaya marami ang nagtanong sa amin kung bakit agad na tsinugi ang karakter ng magaling na aktor samantalang isa nga si Lolo Delfin sa favorite ng viewers sa serye.

Dahil nga sa madamdaming pagkakabaril kay Lolo Delfin nitong nakaraang linggo ay hindi binitiwan ng manonood ang FPJ’ Ang Probinsyano kaya consistent winner pa rin ito sa ratings game. Kumuha kami ng ilang komento mula sa mahihilig manood ng serye na talagang bukas ang TV mula umaga hanggang gabi.

Sabi ng isa naming kausap, “Ganito lang ‘yan, kung ano ‘yung naumpisahan mong panoorin, doon ka na, hindi ka na bibitaw, bakit ka pa maglilipat ng channel kung nasimulan mo na ang isang palabas? “Puwedeng manood ng bagong programa kapag hindi mo na gusto ang pinapanood mo o boring na, saka ka maglilipat ng channel.

“Sa analysis ko ha, heto lang ‘yan Reggs, yung Probinsyano kasi, pangmasa, all sexes, all ages pa, at higit sa lahat, aksyon. Bukod pa sa magagaling lahat ng artistang kasali. “Alam mo naman ngayon, maraming mahilig sa aksyon, kahit mga babae, tapos lume-level pa sila sa mga nangyayaring krimen ngayon sa bansa, including yang isyu sa droga at mga adik, so di ba, magandang panoorin.

“Tapos patok din sa mga bata dahil kina Onyok (Simon Pineda) at MacMac (McNeal Briguela) na feeling ko sila talaga yung lucky charm sa show. Kaya ano pa hahanapin mo? Hindi lang naman si Coco ang pinapanood do’n, lahat sila may kanya-kanya silang kuwento,” ang pag-aanalisa ng aming source.

Sabi naman ng mga nakapanood sa unang linggo ng Encantadia sa GMA, nagandahan naman talaga sila sa pilot week nito lalo na raw sa special effects. “Maganda naman siya, pero alam mo ‘yun, hindi mo siya tututukan kasi iba ‘yung kuwento, lumang panahon, e, ano na ba tayo ngayon, siyempre ang gusto natin, ‘yung kasalukuyan.

“Bukod pa sa hindi mo naman kilala ‘yung ibang artista if you’re not a GMA viewer, so pag nilipat mo, magtatanong ka, ‘sino ‘yun, sino siya, sino sila? “Kulang kasi ang GMA sa push sa mga artista nila kaya hindi kilala ‘yung iba, maliban of course kina Marian Rivera, Dingdong Dantes, Sunshine Dizon, tapos si Sexbomb Rochelle (Pangilinan).

“Good thing marami nang nakakakilala kina Kylie Padilla at Glaiza de Castro, e, sino ‘yung Gabbi Garcia at Sanya Lopez ba ‘yun? Well, si Rocco Nacino kilala rin because of Lovi Poe pati na si Solenn Heussaff. At imposibleng hindi mo makikilala si Heneral Luna (John Arcilla). Kidding aside, medyo hindi kami maka-relate sa Encantadia,” sabi sa amin.

Sabagay, kung hindi mo naman napanood ang unang Encantadia ay hindi ka nga makaka-relate sa kuwento nito. Anyway, kaabang-abang na naman ang episodes ng FPJ’s Ang Probinsyano ngayong linggo dahil ang bagong misyon ay ang pagpatay sa mga aso na alam namang bawal na bawal at ang pagpasok ni Vice Ganda bilang miyembro ng sex syndicate.

Samantala, marami naman ang nagre-request na baka pwede ring mag-guest si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa Ang Probinsyano. Aliw na aliw kasi ang mga Pinoy ngayon sa opisyal, lalo na nu’ng mapanood siya sa It’s Showtime kamakailan.

Kung pagbibigyan ng Dreamscape Entertainment ang hiling ng manonood, siguradong magiging big scene ang paglabas ng PNP chief sa serye ni Coco. Nakilala na ng Teleserye King si Bato kamakailan at aminado siya na saludo siya sa dedikasyon at paninindigan ng opisyal.

Read more...