Alvarez bagong Speaker; Legislative agenda ng Kamara inilatag

alvarez
GAYA ng nais ni Pangulong Rodrigo Duterte, naihalal na bilang bagong Speaker ng Kamara si  Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Nakakuha si Alvarez ng 251 boto sa 293 kongresista ngayong 17th Congress.; habang ang kanyang mga nakalaban na sina Quezon Rep. Danilo Suarez at Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat Jr. ay nakakuha naman ng pito at walong boto, ayon sa pagkakasunod.
Umabot naman sa 21 ang nag-abstain, habang isa ang nagsabi na ayaw niyang bumoto.
Ang lahat nang hindi bumoto kay Alvarez ay magiging miyembro ng House minority bloc.
Kung susudin ang tradisyon, ang magiging lider ng House minority bloc ay si Baguilat pero maaaring mag-usap usap ang mga hindi bumoto kay Alvarez kung sino ang gagawin nilang lider.
Matapos ang botohan, nanumpa si Alvarez bilang speaker, at nagdeliver ng kanyang talumpati kung saan niya inisa-isa ang legislative ng kanyang liderato.
Gaya nang inaasahan, una sa listahan ni Alvarez ay ang pagbabalik ng death penalty law, pag-amyenda sa Juvenile Justice Law at pagsasabatas ng Freedom of Information law.
Plano ring isabatas ang pagkuha ng mga mining company ng permiso sa Kongreso at pagproseso ng mga naminang mineral sa bansa upang makadagdag sa trabaho.
Nabanggit din niya ang tungkol sa tax reform, ang pagdagdag sa pension ng mag retirado at maging ang pagdagdag ng kontribusyon para may pagkunan ng dagdag na pension at para sa kinabukasan ng mga ahensiyang gaya ng SSS.
At hindi rin nakalimutan sa listahan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution na kanyang mga isinalarawan bilang “holy grail”.
Nanumpa na rin kahapon ang mga miyembro ng Kamara at pagtatalaga ng mga opisyal ng liderato.
Itinalagang Deputy Speaker sina Ilocos Sur Rep. Eric Singson, Negros Occidental Rep. Mercedes Alvarez, Capiz Rep. Fredenil Castro, at Batangas Rep. Raneo Abu at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas ang napiling maging house majority leader.
Si Atty. Cesar Pareja naman ang itinalagang secretary general ng Kamara, kapalit ni Marilyn Yap.
Ang itinalaga namang Sergeant at Arms si retired Lieutenant General Rolando Detabali kapalit ni retired Gen. Nicasio Radovan.
30

Read more...