NANGHINAYANG ang fans nina Jennylyn Mercado at Coco Martin nang mapabalitang hindi na matutuloy ang pelikulang pagsasamahan sana nila ngayong taon para sa 2016 Metro Manila Film Festival.
Hindi na raw kasi nagawan ng paraan ang schedule ng Kapuso actress para maisingit pa ang movie nila ni Coco. Kaya ang chika, baka raw ang pelikula nina Coco at Vice Ganda ang isa sa maging official entry ng Star Cinema sa darating na filmfest.
Sa panayam ng ABS-CBN kay Jen sinabi nitong gustong-gusto nyang gawin ang project with Coco pero baka hindi pa raw ito ang tamang panahon. “Lalo na ngayon, October, kailangang nakapasa na ‘yung pelikula, so, kailangan, ibig sabihin, ngayon, nagtatrabaho na ako. Eh, paano yon, di ba? Kaya malabo talaga,” katwiran pa ni Jennylyn.
Itinanggi naman ng RomCom Queen ang tsismis na hinarang daw ng GMA ang movie nila ni Coco kaya hindi na ito matutuloy. “Hindi lang kami talaga nagkasundo sa schedule dahil napakadami ko po talagang ginagawa sa ngayon,” ani Jen.
Samantala, excited na ang lahat ng viewers ng FPJ’s Ang Probinsyano sa paglabas ng karakter ni Vice Ganda bilang miyembro ng isang cyber sex syndicate. Mismong si Coco na ang nagsabi na kailang tutukan ng kanilang mga tagasuporta ang episode na ito dahil tiyak na ikaka-shock ng madlang pipol ang “hubad na katotohanan” sa sindikatong ito.