Nag-uusap ang mga kongresista na ayaw umanib sa administration bloc sa Kamara de Representantes upang bumuo ng sarili nilang grupo na magiging tunay umanong fiscalizer ng Duterte government.
Nag-uusap si Navotas Rep. Toby Tiangco, kaalyado ni dating Vice President Jejomar Binay at Albay Rep. Edcel Lagman, kaalyado ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino upang makahanap ng patatakbuhin nila para maging lider ng mayorya.
Sinabi ng dalawa na duda sila sa nais maging House minority leader na si Quezon Rep. Danilo Suarez dahil nakikipag-usap umano ito sa majority bloc kaya umuusbong ang usapin ng company union o pagsasabwatan ng dalawang grupo.
“Kailangan talaga ang constructive fiscalizer. Hindi naman puro majority na lamang. Majority na ‘yung super coalition, majority pa rin ang nagpili ng minority leader. Hindi puwede ‘yan, kailangan merong independent na minority sa Mababang Kapulungan. Hindi puwedeng manatili ang rubberstamp sa Kongreso dahil ito ay salungat sa prosesong demokratiko na si Bebot Alvarez at Danny Suarez na lang ang mag-uusap tungkol sa lehislasyon at policy making,” ani Lagman.
Itinanggi naman ni incoming House Speaker Pantaleon Alvarez na pinapaki-alam niya ang minorya upang matiyak na si Suarez ang mananalong minority leader.
“Sa majority lang ako nakikialam, ‘yung sa minority naman sila ang bahala, kaibigan naman natin lahat ng mga iyan,” dagdag pa ni Alvarez.
Wala pang desisyon kung si Lagman o Tiangco ang tatakbo at makakalaban ni Suarez.
“I’m in talks with Edcel Lagman now, madami- dami pa sila na hindi sasama kay SB (Belmonte). We are now looking for a candidate who will be willing to run for minority leader,” ani Tiangco. “We have to put up a fight as a symbol for what we stand for. We are trying to find a candidate, of course mahirap humanap, kasi it will take a miracle to win. But we have to try to convince someone who is willing to be the symbol of our common stand that game fixing has no place in Congress. That there should be true and real minority.’
MOST READ
LATEST STORIES