Alden sikat na sikat na pero wala pa ring angas sa katawan

alden richards at cristy fermin

BAGO kami umuwi sa aming nayon para sa simpleng selebrasyon ng aming kaarawan ay binigyan muna kami ng pagpapahalaga ng isang negosyanteng kaibigan namin ni anak-anakang Jobert Sucaldito.

Dagdag na lang kami sa listahan ng mga itinuturing na kaibigan nina Tito Henry at Tita Lily Chua, pero sinasaluduhan namin ang mapagkumbabang puso ng mag-asawa, sa kabila ng kanilang tagumpay ay nakatanim pa rin sa lupa ang kanilang mga paa.

Nasa gitna kami ng masayang pagkukuwentuhan nang dumating si Alden Richards kasama ang kanyang make-up artist na si Tenten at ang kasamahan naming manunulat na si Roldan Castro.

May dala siyang napakagandang pumpon ng iba-ibang klase ng bulaklak, nakangiti na lalo pang nagpalutang sa malalim niyang biloy sa pisngi, sa unang pagkakataon ay nakita rin namin nang personal ang kinababaliwang young singer-actor ngayon ng ating mga kababayan.

“Mas maganda po ang ganito na walang plano, natutuloy,” unang sabi ng Pambansang Bae. Totoong-totoo ang sigaw ng lahat, napakaguwapo nga pala ni Alden Richards at napansin namin ni Jobert, mas totoo ang kawalan niya ng angas sa kabila ng kanyang kasikatan ngayon.

Nakikipag-usap siya nang diretso ang tingin sa kanyang kausap, sinsero siyang magbitiw ng mga salita, ngayon ay alam na namin ang sagot kung bakit napakaraming kapwa niya artista ang maligayang-maligaya sa kanyang tagumpay.

Umalis siya kahapon papuntang Singapore para sa isang show, unang pagdalaw niya ‘yun sa nasabing bansa, pero maraming kababayan natin ang matagal nang humihiling na sana’y makita siya nang malapitan.

Maraming salamat kina Tito Henry at Tita Lily Chua sa pagbibigay ng importansiya, espesyal na pasasalamat kay Alden Richards sa paghanap ng panahong makasama kami, isang kaarawan ito na hindi namin malilimutan.

Read more...