TUMIGIL nang pumasok ang tinatayang 300 mag-aaral ng Pedro V. Basalan Elementary School sa Barangay Tres de Mayo, Digos City simula pa noong Huwebes dahil sa ulat ng pagkamatay ng isang estudyante ng Grade II noong Lunes dahil sa meningitis.
Sinabi ng barangay chairman na si Oscar Bucol, binawalan ng mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak matapos kumalat ang tsismis kaugnay ng sanhi ng pagkamatay ng batang babae.
Ayon sa isa sa mga nanay na nagpatawag lamang na Cita, klase ng kanyang anak na lalaki ang batang babae.
Inamin ni Cita na nataranta siya nang marinig ang mga kwento kaugnay ng dahilan ng pagkamatay ng bata kayat hindi na niya pinapasok ang anak sa paaralan.
Sa isinagawang emergency meeting ng mga Parents-Teachers Association kahapon, sinabi ng guro sa Grade II na si Norma Maranjan, na batay sa resulta pagsusuri na isinagawa ng doktor, hindi naman sa meningococcemia ang ikinamatay ng bata.
Idinagdag ni Maranjan na dapat ay mapawi na ang takot ng mga magulang at papasukin na ang kani-kanilang mga anak.
Sinabi naman ni Bucol na nakita niya ang resulta ng pagsusuri sa bata at tiyak niyang hindi nakakahawa ang sakit ng bata.
Hindi naman sinabi ni Bucol kung ano ang ikinamatay ng batang babae.
MOST READ
LATEST STORIES