Premyadong direktor pinaamin si Aljur tungkol sa beking lover

aljur abrenica

PINAAMIN pala ng award-winning director na si Gil Portes ang Kapuso hunk actor na si Aljur Abrenica tungkol sa mga tsismis na meron itong gay benefactor.

May konek ang pag-uusisa ng direktor sa ginawa nilang historical drama film na “Hermano Puli” na pinagbibidahan nga nina Aljur at Kapuso actress Louise delos Reyes. Ito raw yung panahon na problemado sila kung paano tatapusin ang pelikula matapos mag-backout ang kanilang financier.

Ito rin ang dahilan kung bakit napilitang umatras ang pelikula sa 2015 Metro Manila Film Festival kaya nakapasok naman ang “Honor Thy Father”. “So I talked to Aljur. Sabi ko, ‘you have to help me to get a financier. Kahit hindi ako marunong niyan, basta ituro mo lang sa akin kung sino ang mga naging lover mong mayayaman at lalapitan natin.

“Sabi niya, ‘Direk, hindi ho ako callboy.’ Sabi ko sa kanya, ‘Wala akong sinasabing callboy ka. I’m sure nagkaroon ka ng affair, kanino? Kailangan natin ng pera.’ Pero hindi ko napilit. Siguro nga wala!” natatawang kuwento pa ni Direk nang makausap namin sa presscon ng “Hermano Puli” kamakailan na ginanap na Limbaga 77 resto sa Q.C..

Inamin ni direk at ni Aljur na medyo frustrating na ang feeling nila noong hindi sila makakuha ng bagong producer ng pelikula pero very positive pa rin ang buong production sa kahihinatnan ng kanilang proyekto.

And to cut the long story short, nagbunga nga ang pagiging positibo nina direk at Aljur dahil tinanggap ng negosyanteng si Rex Tiri ng TREX Entertainment ang hamon para ipagpatuloy ang produksyon ng “Hermano Puli” sa screenplay ni Eric Ramos.

Samantala, grabeng preparasyon ang ginawa ni Aljur para sa proyektong ito, ito na raw ang pinaka-ultimate challenge sa kanyang acting career. Sa simula pa lang ay alam na niyang hindi magiging madali ang haharapin niyang hamon bilang lead actor sa “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli.”

Ito ay kuwento ng buhay ni Apolinario dela Cruz, isang religious leader na kinilalang national hero matapos pangunahan ang rebelyon laban sa mga Spaniards noong 19th century. Nagalit si Apolinario dahil hindi siya pinayagang maging pari dahil isa siyang Filipino. Edad 18 nang itatag niya ang Cofradia de San Jose, isang religious brotherhood na dumami ang mga miyembro. Maaari siyang ihilera kina Jose Rizal, Andres Bonifacio at Apolinario Mabini na nakipaglaban sa mga mapang-abuso noong Spanish era. Edad 28 nang siya’y patayin.

“Grabe ang pinagdaanan sa buhay ni Hermano Puli, makulay ang buhay niya pero madrama at maaksiyon din. Kaya I’m thankful to direk Gil na sa akin niya ipinagkatiwala ang project na ito. At talaga pong literal na dugo’t pawis at luha ang ibinigay ko rito,” pahayag ni Aljur.

q q q

At para mas makilala pa ni Aljur ang karakter na kanyang gagampanan, talagang nag-research siya – inikot ang Lucban, Quezon na siyang hometown ni Hermano Puli at nakipag-usap sa mga tagaroon. “Marami akong na-discover roon na malaki ang naitulong para mas mabigyan ko ng justice ang role ko!”

At alam n’yo ba, si Hermano Puli ang maituturing na unang young religious leader na “chop-chop” victim? Pinagtataga ang kanyang katawan at inilagay ang ulo sa harap ng simbahan sa Lucban, Quezon. Makakasama din sa “Hermano Puli” ang dalawang kapatid ni Aljur na sina Allen at Vin Abrenica, Markki Stroem, Kiko Matos, Enzo Pineda at marami pang iba.

Showing na ito sa darating na Setyembre sa mga sinehan nationwide. Magkakaroon din ito ng gala premiere sa Tanghalang Nicanor Abelardo (Main Theater) ng Cultural Center of the Philippines sa Aug. 13. Ito rin ang magiging closing film ng Cinemalaya 2016 ngayong darating na August.

Ibinalita rin ng produksiyon na nagsimula na rin silang umikot sa mga paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa para ipakilala si Hermano Puli sa pamamagitan ng isang 10-minute video excerpt mula sa nasabing pelikula.

Read more...