BIBITBITIN ng pitong banyagang manlalaro ang kampanya ng Team Philippines Mighty Sports Club Apparels sa paghahangad nitong masungkit ang kampeonato ng 38th William Jones Cup na magsisimula sa Linggo, Hulyo 23, sa New Taipei City, Taiwan.
Ipinakilala ang koponang suportado rin ng Scratch It Miyerkules ng gabi sa City of Dreams Manila, Paranaque City. “One week pa lang kami nagkasama-sama but medyo maganda ang situwasyon dahil hindi na naman mahirap pa na turuan ang mga players ng team,” sabi ni head coach Bo Perasol.
Ang koponan ay binubuo nina UP Maroons Team captain Eldrick Ferrer, Tyrone Tang na naglaro para sa Rain Or Shine/La Salle, Jeric Teng na dati ring player ng Rain Or Shine/UST, Larry Rodriguez na huling naglaro para sa Talk ’N Text, Leo Avenido na naging MVP ng Asean Basketball League at Sunday Salvacion mula Ginebra San Miguel.
Tutulungan ang koponan ng Fil-Am na si Jason Brickman na miyembro ng Malaysia Dragons champion team at MVP ng ABL, si Dewarick Spencer na high scoring guard ng Seoul SK Knight sa KBL; si Zachary Graham na isang Spanish League veteran at naglaro sa Air21 Express.
Kasama din sina Michael Singletary mula Osaka Evessa sa BJ League at Barako Bull; Troy Gillenwater na isa din sa superstar sa KBL; si Hamady N’diaye, na shot blocker mula sa Senegal na naglaro sa FIBA OQT at KIA Carnival; si Vernon Macklin mula Barangay Ginebra at si Al Thornton na NBA veteran at naglaro sa NLEX Road Warriors.
Ang Team Manager ay si Jean Michael Alabanza habang assistant coaches sina Charles Tiu at Mike Fermin. Agad na makakasagupa ng koponan ang host Taiwan sa Linggo ganap na alas-7 ng gabi bago sundan ng South Korea sa Lunes; isang club team sa US sa Martes, Japan sa Miyerkules at India sa Huwebes.
“The field is one of the toughest in the league’s history,” sabi ni Perasol. “That’s going to be a crucial stretch for us because certainly it will set the trend,” sabi pa ni Mighty Sports president John Sy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.