MERONG panukala si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe na libreng cremation sa mga mahihirap na napapatay— kasama ang mga unidentified na napapatay ng pulisya sa kanilang mga operasyon —ngayong mainit ang kampanya laban sa droga.
Pero dahil hindi pa libre ang cremation, kailangang gastusan ang mga napapatay sa engkuwentro lalo na yung mga hindi nakilala. Hindi naman pwede na hayaan na lamang mabulok ang mga ito.
Alam naman natin na hindi maayos ang lahat ng public cemetery sa bansa. Uunahin ba nga naman ng mga mahihirap na lokal na pamahalaan ang mga patay kaysa sa pangangailangan ng mga buhay.
Naalala ko tuloy ang isang public cemetery na napuntahan ko sa Dasmarinas City sa lalawigan ng Cavite.
Naglaan ng pondo ang naturang siyudad para sa isang maayos na libingan ng mga kanilang mga constituent. May libingan para sa Katoliko, Iglesia Ni Cristo, Muslim at iba pa.
Maayos ang mga ‘apartment’ na may katabing chapel na air-conditioned pa.
Dahil limitado lamang ang maaaring maiburol sa chapel, pwede naman na sa bahay gawin ang burol.
Magpapadala na lang ang city hall ng mga dekorasyon gaya nang nakikita sa funeral homes.
At mukhang hindi pa nakontento ang Dasmarinas dahil pati kabaong ay inilibre na nila.
Nalaman ko na tumatanggap din ng donasyong kabaong ang siyudad mula sa mga funeral homes na ang mga kliyente ay nagpa-cremate.
Nang makapanayam namin ang noon ay mayor pa lang ng Davao City na si Rodrigo Duterte, bago pa ang 2016 elections, sinabi niya na magiging click na negosyo ang mga puneraria.
Kung magtatayo daw ay yung budget lang, ibig sabihin hindi yung mga bonggang lugar kung saan idinidisplay ang mga patay.
Ngayon ay sunod-sunod ang mga napapabalitang napapatay o pinapatay sa iba’t ibang lugar, busy ang mga puneraria.
Pero kung nasa Dasmarinas sila ay baka hindi sila kumita
Hindi maitatanggi na tumatapang din ang mga drug pusher na lumalaban sa mga pulis na tumutugis sa kanila.
Buti na lamang at magagaling ang mga pulis natin at hindi sila tinatamaan ng mga pinakakawalang bala ng mga salot ng lipunan.
At kung makakasuhan man sila sa pagganap sa kanilang tungkulin ay wala rin silang poproblemahin dahil nasa likod nila ang gobyerno.
Hindi maitatanggi na ramdam ng publiko ang gobyernong Duterte.
Actually hindi pa nagsisimula ay naramdaman na ito dahil sa serye ng taong may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot na napapatay ng pulis o pinapatay ng hindi natin alam kung sino.
Maraming mga adik at pusher ang pumupunta sa mga barangay at himpilan ng pulis para boluntaryong sumuko.
Dahil wala namang kaso, hindi rin naman inamin ang nagawang kasalanan sa pagdinig ng korte kung saan nanumpa na magsasabi ng pawang katotohanan lamang, ay pinapauwi rin sila.
Ang tanging magagawa yata ng mga pulis sa kanila ay panumpain na huwag nang gagamit ulit ng shabu.
Pero sa katotohanan, hindi naman basta-basta makakaalis ang isang adik sa kanyang bisyo. Hindi ito
parang switch ng ilaw na kapag in-off mo ay ok na. Hindi naman pag-uwi nila pagkatapos magpalista ay hindi na sila adik, di ba?
Kung ang paninigarilyo at alak ay hindi basta naiiwanan ng na-adik dito, mas mahirap sigurong talikuran ang shabu.
Dito siguro sasakit ang ulo ng gobyerno. Paano mo naman ipapa-rehab ang napakaraming adik?
Buti yung mga mayayaman, can afford nila na ipasok sa mga pribadong rehabilitation center ang kanilang mga kaanak para mabago ang kanilang buhay.
Pero yung mga mahihirap, saan sila huhugot ng pambayad sa mga rehab. Kung pagkain nga ay wala silang maipambili para makompleto ang kakainin sa isang araw, pampa-rehab pa kaya.
Hindi naman sa gusto kong mangyari, pero baka mas naisin pa ng mga kamag-anak nila na mapatay na lamang sila para matapos na ang problemang ito kaysa magkabaon-baon sila sa utang para sila ay maipa-rehab.