MADALAS umalagwa ang mga daliri ng maraming personalidad sa pagpo-post ng kung ano ang gusto nilang sabihin. Basta post lang sila nang post, sige sila sa kabibigay ng kanilang opinyon at pagpansin tungkol sa isang tao o isyu, wala silang pakialam sa kung ano ang sasabihin sa kanila ng publiko.
Tahimik na sana ang buhay ni Vivian Velez, maraming pumanig sa kanya nang magkaroon sila ng alitan ni Cristine Reyes, pero ngayon ay nalalagay na naman siya sa gitna ng kontrobersiya. Kinukuwestiyon niya kasi ang kapasidad ni Freddie Aguilar bilang tagapamuno ng NCCA. Ano raw ba ang alam ni Ka Freddie sa nasabing puwesto, karapat-dapat daw ba ito?
Kung sining ang pag-uusapan ay oo, meron namang kamalayan si Freddie Aguilar, musika ang sining at kung musika ang pag-uusapan ay nagpasikat ng piyesa ang musikero na kinilala sa buong mundo. Ang makasaysayang “Anak” ni Ka Freddie ay isinalin sa mahigit na pitumpung lengguwahe, kilalang-kilala ang piyesang ‘yun sa buong mundo, pero si Vivian Velez ay kuwestiyonable kung kilala siya sa ibang bansa.
At hindi pa naman tayo sigurado kung tatanggapin ni Freddie ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte, malay naman natin kung ayaw nitong hawakan ang posisyon, pero heto na agad si Vivian Velez sa pangunguwestiyon sa kakayahan ng musikero. Manahimik na lang kasi, huwag nang kuda nang kuda, para hindi nalalagay sa gitna ng kontrobersiya.