Vice Ganda: Gusto kong maging walang kuwentang first lady!
SUCCESSFUL ang book launching ni Vice Ganda na may titulong “Ang Bagong Panggulo ng Pilipinas” na ginanap sa Skydome last Saturday kung saan agad na nakabenta ng mahigit 2,000 kopya ng libro.
Pero hindi lahat ay napirmahan ni Vice dahil limitado lang ang oras. Nagsabi naman si Vice na ‘yung mga hindi napirmahan ay puwedeng dalhin sa taping ng Gandang Gabi Vice o kaya sa It’s Showtime. Samantala, nakatsikahan namin si Vice bago siya umakyat ng entablado at nabanggit nga niya na matagal na siyang kinukulit na gumawa ng libro.
“Actually, hindi naman planado ang lahat, tulad din ng pagpasok ko sa showbiz, biglaan lang. Noon pa nila ako hinihilingan ng libro, ‘yung ABS-CBN Publishing, sabi ko naman, ayokong maglabas ng libro na masyadong serious, gusto ko ‘yung nakakatawa. “Tapos tinanong nila ako kung anong topic, sabi ko, ‘Hindi ko alam, bahala na kung ano na lang pumasok bigla sa isip ko.’
“Tapos nu’ng panahon na ng eleksyon kahit saan ka (tumingin), Facebook, Twitter, Instagram, ang daming nag-aaway-away. That time tuwing magpo-post ako sa social media, I’ll make sure na fun lang ‘yung ipo-post ko para hindi na ako makisabay sa mga isyu. Kaya nga I never endorsed anyone. “Kasi ayoko ng makidamay sa gulo, kaya tuwing magtu-tweet ako, nagtu-tweet ako ng #Pagbabago tapos kinakagat naman nila (publiko) tapos nagte-trending ‘yung mga tweet ko, tapos ang daming retweet.
“Sabi ko, ay ang taray, gawa kaya ako ng mga ganito, tapos nabasa ng publishing, sabi nila, ‘Gawin nating libro, i-compile natin. Gawa ka pa ng marami.’ Sabi ko, paano po, ‘halimbawa, you’ll become the President, anong gagawin mo? Ang mga kabulastugan lang, fun-fun lang.’ Kaya sabi ko, sige po ita-try ko.
“Tapos nu’ng magbi-birthday ako, sabi nila, ‘tutal magbabakasyon ka, baka puwedeng karerin mo na. Tapos sabi ko, ‘ay parang magandang dahilan ito para makapag-extend ako ng bakasyon kasi gagawa ako ng libro, so na-pressure ako gumawa.
“Kaya nu’ng nasa Boracay ako bago ako umuwi, nasa jacuzzi lang ako, sulat ako nang sulat tapos ipinakita ko sa kanila, hayun natuwa naman sila tapos kinompayl. Wala laugh trip lang,” mahabang kuwento ng GGV at Showtime host.
Inamin ni Vice na maraming laman ang utak niya, “Actually marami talaga na hindi ko lang masabi kasi hindi naman puwedeng sabihin sa TV, pangalawa, ang arte ng tao ngayon, noong bago lang ako, mas open sila. “Ngayon kailangan mas mapili ka sa sinasabi, mas sanitized na, everything na sasabihin mo, bibigyan ng magandang konotasyon o maling konotasyon,” katwiran ng komedyante.
Anong aspeto sa buhay ng tao ang puwedeng mabago kapag nabasa ang libro, “Bibigyan lang kita ng paraan para malibang ‘yung sarili mo lalo na kapag nasa kalagitnaan ka ng trapik. “Meron kang maliit na libro, kung magbabasa ka, hindi ka mag-iisip na kung ano ang ibig sabihin nito o malalim ba ito. Sabi ko nga, hindi ito malalim, hindi ito educational material, wala kang matututunan dito.
“Ang matututunan mo lang ay matuto kang tumawa at gumaan ang buhay mo sa panahong bagot na bagot ka na, ‘yun lang,” pahayag ng TV host-comedian. Samantala, ngayong linggo na ang taping ni Vice sa seryeng FPJ’s Ang Probinsyano, sila ni Coco Martin ang bumubo ng kuwento nila.
“Napapanahon kasi ngayon ‘yung topic na pareho naming gusto ni Coco, relevant ‘yung issue na ita-tackle,” say ni Vice. Binanggit din ng Unkabogable Phenomenal Star na kasama sina Onyok at Aura (MacMac) sa pelikula nila ni Coco pero hindi sigurado kung entry sa 2016 Metro Manila Film Festival, “Hindi pa kasi alam kung aabot kasi nga di ba, bago na ang mechanics ng bagong organization.
“Marami silang bagong rekoretos, ganyan hindi namin alam kung mami-meet namin. Sana nga may filmfest kasi nasanay na rin naman akong may pang-film festival,” say ni Vice. At sa tanong kung bibigyan siya ng chance, ano ang gusto niya, maging Pangulo o First Lady ng bansa, “First Lady,” mabilis niyang sagot. At ang gagawin daw niya sa Pilipinas, “Magiging first lady ako, ang una kong project, ‘yung outfit ko, kailangan ako ang pinaka-glamorosang first lady sa buong mundo.
“Tapos wala akong pakialam sa lipunan, gusto ko sarili ko lang, ako ang walang kuwentang first lady,” tumawang sabi ni Vice. Mabibili na ang “Vice Ganda, Ang Bagong Panggulo ng Pilipinas” sa lahat ng National Bookstore at ABS-CBN Publishing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.