San Miguel Beermen pinabagsak ang Phoenix Fuel Masters

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Globalport vs Mahindra
7 p.m. Tropang TNT vs Rain or Shine

SINANDALAN ng San Miguel Beermen ang matinding paglalaro sa second half ng balik-import nitong si Arizona Reid para itala ang 124-113 panalo kontra Phoenix Petroleum Fuel Masters sa kanilang 2016 PBA Governors’ Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Pinangunahan ni Reid ang ratsada ng Beermen sa second half kung saan nagsagawa ito ng personal na 11-0 arangkada sa pagitan ng ikatlo at ikaapat na yugto para ibigay sa San Miguel Beer ang 100-93 kalamangan sa 11:47 marka ng huling yugto.

Bunga ng pagkatalo ang Phoenix Petroleum ay nahulog sa 0-2 kartada habang sinimulan ng San Miguel Beer ang pagdepensa sa kanilang Governors’ Cup title sa pagkubra ng unang panalo.

Batid naman ni Beermen head coach Leo Austria ang kahalagahan ng pagkuha ng panalo sa kanilang unang laro matapos ang malamya nilang pagsisimula sa nakalipas na Governors’ Cup kung saan nag-umpisa sila sa 0-2 karta at muntikang nalagay sa panganib ang kanilang hangaring makapasok sa playoff round.

“This game is very important to us because we want to have a good start,” sabi ni Austria, na inamin na nag-alala siya sa ipinakitang pamumuno ng mga beterano ng Fuel Masters. “This time, kalaban namin Phoenix and we realized we couldn’t relax in every game. Every team in the PBA is very competitive.”

Sinubukang rumatsada ng Phoenix matapos tapyasin ang kalamangan ng San Miguel Beer sa 108-103 mula sa 3-pointer ni Norbert Torres subalit sinagot ito ng Beermen sa pamamagitan ng 9-2 arangkada para iangat ang kanilang bentahe sa 117-105.

Gumawa si Reid ng 41 puntos at 10 rebounds habang si June Mar Fajardo ay nagtala rin ng double-double sa kinamadang 21 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang San Miguel Beer.

Pinamunuan ni Marcus Simmons ang Phoenix Petroleum sa ginawang 28 puntos at 11 rebounds.

Read more...