The Greatest Love regalo ng ABS sa mga ina; tatalakayin ang sakit na dementia

 

MATAPOS umani ng mga papuri at libo-libong views ang Twitter-trending na teaser trailer nito online, malapit nang mapapanood sa ABS-CBN ang pinakabagong family drama na The Greatest Love upang ibahagi ang hindi malilimutang kwento tungkol sa pambihirang pagmamahal ng ina para sa kanyang mga anak.

Talaga namang kinapitan ang trailer dahil sa nakakagulat at tagos-pusong twist nito: sa gitna ng pagtatalo ng mga anak, biglang nawala ang alaala ng inang si Gloria at hindi matandaang mismong mga anak niya ang nasa harap niya.

Pangungunahan ito ng isang powerhouse cast na kinabibilangan ng mga batikang aktor na sina Sylvia Sanchez, Nonie Buencamino at Rommel Padilla, pati na sina Dimples Romana, Matt Evans, Arron Villaflor, at Andi Eigenmann.

Gagampanan ni Sylvia ang papel na Gloria, isang babaeng handang ibigay ang lahat para sa kanyang minamahal kahit na ang kapalit nito ay ang sarili niyang kaligayahan. Bilang isang ina, ibinibigay niya ang lahat sa kanyang apat na anak: sina Amanda (Dimples), Andrei (Matt), Paeng (Arron), at Lizelle (Andi). Ngunit magbabago ang lahat sa pagbubunyag ng isang mala-king sikretong wawasak sa kanilang pamilya na itinago sa kanila sa loob ng maraming taon.

Kasabay ng pagkakawatak-watak ng kanyang mga anak ay ang unti-unti ring paglaho ng mga alaala ni Gloria dahil sa dementia. Ngunit bago mahuli ang lahat, kailangang labanan ni Gloria ang pagtatraydor ng kanyang gunita upang muling pagsama-samahin ang kanyang mga anak.

May pag-asa pa kayang mabuo ni Gloria ang kanyang pamilya? Maranasan pa ba niyang lumigaya sa piling ng mga taong kanyang minamahal? Mabubunyag pa kaya ni Gloria ang mga lihim na itinago niya sa kanyang puso sa loob ng maraming taon?

Ngunit bago pa man makilala si Gloria bilang isang ina, matutunghayan ang kanyang natatanging kwento ng pag-ibig. Sa unang linggo ng serye, mapapanood ang dalagang Gloria (Ellen Adarna) na iibig sa bangkerong si Peter (Ejay Falcon) ngunit mapipilitang magpakasal sa musikerong si Andres (Junjun Quintana).

Kasama rin sa cast sina Tonton Gutierrez, Alec Bovic, at Joshua Garcia. Ang The Greatest Love ay sa direksyon nina Dado Lumibao at Mervyn Brondial. Si Megastar Sharon Cuneta ang umawit theme song nitong “The Greatest Love of All” kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra. Malapit na malapit na itong magsimula sa Kapamilya network.

 

Read more...